Magkapatid na preso, patay sa pamamaril sa Bohol

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2019 08:13 PM

Patay ang magkapatid na preso nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa bayan ng Carmen, Bohol Lunes ng umaga.

Pababa na sana mula sa sasakyan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang magkapatid na Romeo at Ricky Digal nang pagbabarilin sila.

May pupuntahan sanang hearing ang magkapatid sa Regional Trial Court sa Carmen. Kapwa may kasong kinalaman sa ilegal na droga ang magkapatid.

Ayon kay Police Major Conrad Manatad, ang tagapagsalita ng Bohol Provincial Police Office, isang puting van ang lumapit sa sasakyan ng BJMP. Sakay nito ang isang lalaking naka-bonnet at may dalang armas ang bumaril sa magkapatid.

Nasugatan rin sa insidente ang jail guard na si Jorge Lungay.

Nagsagawa na ng hot pursuit operation ang mga pulis para maaresto ang mga salarin.

Samantala, isa ring lalaki ang binaril ng mga nakamotorsiklong salarin sa Barangay Poblacion 3 sa Tagbilaran City, Bohol Lunes.

Kinilala ang biktima na si Richard de Leon.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa likod ng pamamaril.


- ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.