Duterte sa insidente sa Reed Bank: 'Banggaan lang ng mga barko 'yan'

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2019 08:23 PM | Updated as of Jun 17 2019 08:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsalita si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pilipino sa Reed Bank sa West Philippine Sea.

Sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng Philippine Navy sa Sangley Point, Cavite, tinawag ng pangulo ang pagpapalubog sa bangkang Pinoy bilang "maritime incident."

"'Yung nangyaring banggaan, that is a maritime incident," ani Duterte.

Hindi raw sapat na dahilan ang insidente para magpadala ang Philippine Navy ng mga barko sa nasabing lugar.

"You do not send gray ships (Philippine Navy) there. Banggaan lang ng barko 'yan. Do not make it worse because that is a fertile ground for... Alam ninyong mga sundalo, miscommunication 'yan. Patay na. And we are not yet as ready, and we can never be ready in nuclear war, because in nuclear war, kung bitawan lahat 'yan, earth will dry up and we will all be destroyed," ani Duterte.

Iginiit din ni Duterte na mas mainam na imbestigahan muna ang nangyaring banggaan. Nais din umano niyang mabigyan ng pagkakataon na marinig ang magkabilang panig.

"Wait and give the other party the right to be heard," anang pangulo.

Isang Chinese vessel ang bumangga sa bangkang pangisda ng mga Pilipino, ang FB GEM-VER, noong Hunyo 9 sa Recto Bank.

Inabandona umano ng sasakyan ng mga Chinee ang mga mangingisda sa bangka, na kalaunan ay nasagip ng isang Vietnamese vessel.

Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi tikom ang bibig ni Duterte sa isyu gaya ng napapansin ng iba.

Watch more in iWant or TFC.tv

Naghihintay lang din daw si Duterte ng resulta ng ginagawang imbestigasyon.

Sa press briefing nitong Lunes, nilinaw din ni Panelo na hindi babawiin ng Palasyo ang mga binitiwang pahayag kontra China, na tinawag nilang malupit, marahas at hindi makatao ang pagtrato sa mga mangingisdang Pinoy.

"'Yon ang report sa atin ng mga Pilipino nating crew eh so we have to initially believe them until proven otherwise," ani Panelo.

"Since may nagdi-dispute, tingnan natin kung totoo 'yong contrary claim nila."

Itinanggi rin ni Panelo na may nakatakdang pagpupulong sa pagitan ni Duterte at ng mga mangingisda ng bangka.

"As far as I know, wala akong narinig na request [for a meeting] at wala rin nag-imbita," sabi ni Panelo.

Kasunod ito ng pahayag na binitiwan noong Linggo ni Junel Insigne, kapitan ng nabanggang bangka, na pupunta dapat siyang Maynila para makipag-usap kay Duterte ukol sa insidente.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero hindi rin pumunta ng Maynila ngayong Lunes si Insigne para sa sinasabing pulong. Masama umano ang pakiramdam nito.

Iginiit ni Insigne na pinaninindigan niya ang pahayag na sinadyang banggain ng Chinese vessel ang kanilang bangka.

"Talagang ipaglalaban ko po iyong aking naranasan, nakita na kami'y binangga talaga po," ani Insigne.

Hindi nagustuhan nina Insigne at ng mga kasamahan ang mga naging pahayag ni Energy Secretary Alfonso Cusi nang bisitahin nito ang mga mangingisda noong Linggo.

"Sa kuwento niya parang panig na panig siya sa China," ani Insigne.

Sinabi ni Cusi na maaaring hindi sadya ang pagbangga dahil daplis lang daw ang pinsalang tinamo ng bangka.

"Kung talagang babanggain, eh bakit... napakabulok naman noong babangga, daplis lang," ani Cusi.

Sa text message na ipinadala sa ABS-CBN News, sinabi ni Cusi na pinuntahan niya ang mga mangingisda dahil siya ang chairman ng regional development para sa rehiyon ng Mimaropa.

Hindi na nagkomento ang kalihim sa naging saloobin ng mga mangingisda.

Watch more in iWant or TFC.tv

PULONG KASAMA SI PIÑOL

Humarap naman kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang kusinerong si Richard Blaza at ang may-ari ng bangkang si Arlinda dela Torre.

Ipinatawag ang 2 para makuha ang kanilang salaysay na isusumite sa ulat sa pangulo, ayon kay Piñol.

"Was there really a ramming incident? Yes, it was a ramming incident. Was it intentional? That is something that we love to be established by our investigation," ani Piñol.

Binigyan din ni Dela Torre si Piñol ng kopya ng certificate of ownership, at mga retrato ng nasira at nakalubog ng nabanggang bangka.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Blaza na madilim nang mangyari ang insidente pero nakita niyang paparating na ang Chinese vessel kaya ginising niya ang kanilang kapitan.

Si Blaza ang tanging gising nang mangyari ang pagsalpok ng Chinese vessel sa FB GEM-VER.

Ayon pa kay Blaza, inikutan pa sila ng Chinese vessel at inilawan. Sinubukan din umano nilang humingi ng tulong pero iniwan sila.

Ikinainis din daw ni Dela Torre ang binitiwang pahayag ni Cusi na daplis lang ang nangyari.

Nasa P700,000 ang halaga ng pagpapaayos ng bangka at P1 milyon ang nawala sa kanilang kita dahil sa nabulok na nahuling isdang lapu-lapu.

"Hindi po daplis iyon, sira po 'yong bangka namin," ani Dela Torre.

Ayon kay Piñol, hindi irerekomenda ang pagtigil sa pangingisda ng mga Pinoy sa Reed Bank.

"There is no reason for us to advise our fishermen to avoid the area. We will continue to fish in the area," aniya.

Magbibigay din ang Department of Agriculture ng ayuda sa mga mangingisda ng FB GEM-VER. Ipapamahagi ng kagawaran ang 11 fiberglass boat at magpapautang ng P25,000 sa mga pamilya.

--Ulat nina Pia Gutierrez, Joyce Balancio, Raphael Bosano at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.