Balak na pagbawas sa overseas deployment ng Pinoy nurses inalmahan

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2019 08:32 PM | Updated as of Jun 17 2019 11:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inalmahan ng isang grupo ng mga nurse ang plano ng Department of Labor and Employment (DOLE) na bawasan ang deployment o pagpapadala ng mga Pinoy nurse sa ibang bansa.

Dapat tugunan muna ang mga problemang kinahaharap ng mga nurse dito sa Pilipinas para hindi na sila umalis, ayon sa grupong Filipino Nurses United (FNU).

Nangingibang bansa ang mga nurse dahil 16 oras ang inilalaan sa trabahong kontraktuwal na may sahod na P9,000 hanggang P12,000.

"Just living wage at saka 'yong humane work condition... 'di na nga sila makapagbigay noon tapos pipigilan pa nila ang ating nurses na mangibang bansa, parang double jeopardy naman 'yon," ani FNU president Eleonor Nolasco.

Isinusulong ng FNU na gawing P30,000 ang starting salary ng mga nurse at bigyan ang mga ito ng proteksiyon para hindi maabuso ng mga ospital.

Inihayag noong nakaraang linggo ni Labor Secretary Silvestre Bello III na pinag-aaralan ng gobyerno kung paano mababawasan ang deployment ng mga Pinoy nurse abroad.

Pero nilinaw ni Bello na walang deployment ban at hinihikayat lang nila ang mga nurse na magserbisyo rito sa Pilipinas.

May plano rin daw ang gobyerno na tugunan ang mga problema ng mga nurse.

"We also consider increasing their salaries," ani Bello.

"There will come a time I will conduct a coordinated inspection of these hospitals, huhulihin namin sila," dagdag ng kalihim.

Tiniyak naman ni Bello na bukas pa rin ang Pilipinas sa pakikipag-usap sa mga bansang nais kumuha ng mga Pinoy healthcare professionals.

Isang summit rin ang nakatakdang ipatawag ng DOLE sa susunod na buwan para matalakay ang mga problema at pangangailangan ng mga nurse sa bansa.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.