3 sugatan sa pagbagsak ng bato sa Kennon Road

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2018 12:43 PM

Nayupi ang isang sasakyan matapos tamaan ng rockfall sa Kennon Road. Larawan mula kay Armando Biccay

TUBA, Benguet - Sugatan ang 3 miyembro ng isang pamilya matapos mabagsakan ng malaking tipak ng bato ang kanilang sasakyan habang binabagtas ang Kennon Road sa bayan na ito, Linggo.

Nasa 10 talampakan ang taas ng batong nahulog bandang alas-11 ng umaga, ayon sa Department of Public Works and Highways-Cordillera.

Nawasak ang sasakyan ng mga biktima. Agad naman silang naitakbo sa Baguio General Hospital.

Hindi pa naiaalis ang mga nagkalat na bato at lupa sa Kennon Road, pasado alas-12 ng tanghali.

Isinara ang kalsada dahil sa mga rockfall noong Biyernes at muling binuksan nitong Sabado.

Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa Naguilian o Marcos Highway.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.