US warship at PH vessel, nagkabanggaan sa Japan

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2017 05:31 PM

Ligtas ang 20 Filipino crew members na sakay ng Philippine-flagged merchant vessel na bumangga sa isang US Navy destroyer sa bahagi ng Japan Sabado.

Ayon sa US Navy, sugatan ang tatlong US sailor at pinaghahanap pa ang pitong Amerikanong crew na nawawala.

Ginamot naman ang mga sugatan kabilang ang commanding officer na si Commander Bryce Benson na naiulat na stable na ang kondisyon.

Inilipat naman sa ospital ang dalawa pang sugatan para magamot ang mga pasa at galos.

Sumalpok ang US warship sa barko ng Pilipinas kaninang umaga, mga 90 kilometro sa timog-kanluran ng Yokosuka, ayon sa pahayag ng US navy. 

Pinasok ng tubig ang US warship na USS Fitzgerald pero wala naman umanong panganib na lulubog ito. 

Nagtamo rin ng bahagyang pinsala ang Philippine merchant vessel, ayon sa Nippon Yusen KK na umarkila sa Philippine-flagged ACX Crystal.

Pahayag ng kompanya, makikipagtulungan ito sa Japanese Coast Guard para maimbestigahan ang insidente.

Kasalukuyan namang nakikipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs sa mga awtoridad, kasama na ang mga gobyerno ng US at Japan upang malaman kung hanggang saan ang pinsala sa insidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.