Pulis, patay sa ambush sa Batangas

Arnell Ozaeta, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2017 08:46 AM

BATANGAS CITY – Patay ang isang pulis matapos tambangan ng hindi pa kilalang mga salarin sa Bauan, Batangas, Biyernes ng gabi.

Kinilala ang biktima bilang si PO3 Roman Bejer, 41-anyos, residente ng Lemery, at nakatalaga sa istasyon ng mga pulis sa Agoncillo.

Ayon sa kapatid ni Bejer, dumalaw lang sa mga kaanak sa Barangay San Vicente ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo nang pagbabarilin ng mga suspek pagsapit sa may Barangay Sinala sa bayan ng Bauan.

Agad umanong namatay ang pulis dahil sa dami ng tama ng bala na kanyang tinamo.

Paniniwala ang mga kaanak ni Bejer, may kaugnayan sa kanyang trabaho ang pagpaslang sa kanya, dahil sa dami nitong naarestong gumagamit ng bawal na gamot.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine National Police para hulihin ang responsable sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.