Notoryus na kawatan, kinatatakutan sa barangay sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2017 02:00 PM

Isang lalaking tinaguriang siga sa barangay ang kinatatakutan ng mga residente ng Barangay Cotta sa Lucena, Quezon. Nagsimula lamang sa panggigipit ng mga kapitbahay ang lalaki, hanggang kalaunan ay nakapatay na ito ng tao. 

Sa unang pansin, mistulang payapang lugar ang Brgy. Cotta. Pero lingid sa kaalaman ng karamihan, balot sa takot ang mga residente rito.
 
Ayon kay Annalou Alcala, chairman ng Brgy. Cotta, kinatatakutan sa lugar ang isang notoryus na kawatan. 
 

 

''Sobrang natakot talaga 'yung mga tagarito sa ’min kasi siyempre baka sila 'yung mapagtripan,” paglalahad ni Alcala. “Alas sais [ng gabi] pa lang, 'yung mga tao nasa loob na ng bahay kasi natatakot nga.''
 
Base sa mga kuwento ng mga residente ng Brgy. Cotta, samu’t saring paraan ng pananakot daw ang ginagawa ng lalaking tinaguriang siga sa barangay.

 

''Namamasok siya ng bahay, nanghihingi siya ng pera. 'Eh pa’no ‘yan, Kap kung wala kami maabot? Kung wala kaming mabigay na pera?’” banggit ni Alcala.
 
“May mga tricycle driver na ayaw nila magsakay ‘pag doon sa lugar [malapit sa bahay ng lalaki] ihahatid 'yung pasahero. Kawawa din talaga yung mga tao do’n sa amin, do’n sa lugar nila. Talagang natakot sila,” dagdag niya.
 
Sa patong-patong na blotter report laban sa lalaki, noo’y simpleng krimen lang daw ang ginagawa nito. Ngunit paglaon, nakapatay na rin ito ng tao.
 
Kuwento ni Alcala, bisperas ng Pasko noong nakaraang taon nang maglaro ng cara y cruz ang ilang kalalakihan sa kalsada. Kasama sa mga nagsugal ang kinatatakutang mama.
 
“Natalo ['yung lalaki], tapos binalatuhan pa rin siya nung nanalo. Kaso, nung pangalawang talo niya, ‘di siya binigyan [ng balato nung nanalo]. Sinaksak [niya 'yung isang lalaki],” ani Alcala.
 
Dahil sa takot, walang naglakas-loob na tumulong sa biktima. Mabilis namang nakatakas ang salarin.
 
Tutukan ang dokumentadong pagsisiyasat ng inyong ABS-CBN SOCO tungkol sa notoryus na kawatan sa Lucena, Quezon ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng Ipaglaban Mo! sa ABS-CBN.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.