Ama, pursigidong magtrabaho para sa pamilya, 2 anak na may hydrocephalus

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2017 01:48 PM

Nagbibisikleta si Magno Saminada papuntang trabaho, araw-araw. Mylce Mella, ABS-CBN News

RAGAY – Espesyal para sa 40-taong gulang na si Magno Samiñada ang araw na Biyernes. Ito kasi ang araw na makakauwi siya sa kaniyang pamilya matapos mawalay ng isang linggo dahil sa trabaho.

Sakay ng bisikleta, tatlong oras siyang bumibiyahe mula Sipocot, Camarines Sur papunta sa bayan ng Ragay. Matapos ang 25-kilometrong biyahe ay maglalakad pa siya ng kalahating kilometro papunta sa kanilang bahay, kung saan naghihintay ang lima niyang anak.

Ang dalawang anak na lalaki na sina MacNeal, 13-taong gulang, at Jonel, 12 anyos, ay parehong may hydrocephalus. 

Pag-uwi ay agad niya itong inaasikaso. Kamakailan lang ay nagkasakit ang mga ito. 

Bagama’t ayaw ng asawa ni Samiñada na magpakita sa ABS-CBN News, kuwento niya ay sinubukan nilang ipagamot sina MacNeal at Jonel noong bata pa ang mga ito. Maliban sa kahirapan, ang abiso sa kanila ay iikli ang buhay ng mga ito.

Ang bunso ni Samiñada ay anim na buwan pa lang, halos kaedad ng kanyang apo sa panganay na si Janet.

Ayon kay Janet, sa kabila ng kanilang sitwasyon, hindi niya narinig na magreklamo ang ama kailanman.

“Pagdating niya po, siya pa nag-aasikaso sa mga kapatid ko. 'Pag walang trabaho, naghahanap siya. 'Di ko siya narinig magreklamo,” aniya.

Ngayong mainit pa, sa construction ang trabaho ni Samiñada. Isa siya sa nag-aayos ng simbahan sa Sipocot.

Bilib din umano ang paring si Fr. Sam Bersabe sa kasipagan ni Samiñada.

Kahit Sabado o Linggo, nakikitrabaho ito, may maiuwi lang sa pamilya. 

At ngayon na papalapit na ang tag-ulan, pangingisda naman ang plano niyang pasukin, may maitustos lang sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya.

Simple lang ang kanyang pangarap—ang maipagamot muli sina MacNeal at Jonel, at ang makapag-aral ang kanyang mga anak, kahit mahirap at malabo pa ito sa ngayon.

“Mahal na mahal ko ang mga anak ko kahit anong mangyari. 'Di ko pwedeng pabayaan. Kahit ganun 'yun pinipilit ko mag hanap-buhay mapaayos lang sila. Kahit sila may sakit, pinagpupuyatan ko talaga. Kahit ako puyat, trabaho pa rin,” ani Samiñada.

Ilang beses na niyang tinanggihan ang alok na magtrabaho sa Maynila, kung saan mas mataas sana ang kita. Pero wala siyang plano na ipagpalit ang kahit linggo-linggong makita ang mga anak na kanyang lakas at inspirasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.