PatrolPH

Pag-aresto sa environmental defender kinondena

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2022 05:16 PM | Updated as of Jun 16 2022 08:05 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Kinondena ng grupo ng mga makakalikasan ang pag-aresto sa isang 69-anyos environmental defender sa Pakil, Laguna sa bisa ng umano’y kuwestiyonableng warrant of arrest.

Sa isang video, makikita ang tensyonadong pagbibitbit ng mga pulis kay Vertudez "Daisy" Macapanpan.

Pinagtulungan dalhin sa presinto si Macapanpan, na pumapalag hanggang mapaupo sa semento. May iba rin na sinusubukang pumigil sa pag-aresto, pero walang nagawa. 

Si Macapanpan ay isang environmental defender na aktibong kumokontra sa pagtatayo ng Kaliwa-Kanan-Laiban dam sa Sierra Madre at Ahunan pumped-storage hydropower project sa Pakil.

Dati rin siyang propesor sa UP Baguio.

Ayon sa pulisya, inaresto si Macapanpan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte sa Infanta sa kasong rebelyon higit isang dekada na ang nakalilipas.

Kasama umano si Macapanpan at iba pa sa grupo na umatake sa mga sundalo sa Sitio Makalya sa Quezon na ikinamatay ng isang sundalo at ikinasugat ng iba pa noong April 15, 2008.

Wala mismo sa warrant of arrest ang pangalang Vertudez Macapanpan pero naniniwala ang mga awtoridad na siya si alyas "Ka Tian. "

Itinatanggi ng kampo ni Macapanpan na siya si "Ka Tian" na nakikita nilang dahilan kaya ilegal ang pag-aresto, bukod pa sa wala umanong naganap na preliminary investigation.

Umaalma ang grupo ng mga aktibista at iba pang environmentalist sa pag-aresto kay Macapanpan at nanawagang agad siyang palayain. 

Nadala na sa pasilidad ng BJMP sa Pagbilao si Macapanpan, ayon sa pulisya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.