PatrolPH

Mayor ng Lemery, Batangas nagpositibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2021 01:19 AM | Updated as of Jun 16 2021 02:39 AM

LEMERY, Batangas —Nag-positibo sa COVID-19 ang alkalde ng bayang ito na si Mayor Larry Alilio.

Inanunsiyo niya ito sa kanyang opisyal na social media account nitong Lunes.

"Sa aking pagnanais na pangalagaan ang aking kalusugan upang mas epektibo kayong paglingkuran, nagdesisyon akong sumailalim sa isang general check up kasabay na rin ng RT-PCR o swab test.  Ikinalulungkot ko pong ipaalam sa inyo na NAG-POSITIBO po ako sa nasabing test," ani Alilio. 

 

Sa mensaheng ipinadala nito sa ABS-CBN News, sinabi niyang walang nararamdamang sintomas ng sakit. 

Matatandaang nagpabakuna ang opisyal laban sa COVID-19 noong nakaraang buwan. 

Sinabihan naman niya ang lahat ng nakasalamuha na sumailalim sa quarantine. 

"Kaya hinihiling ko po sa lahat ng nakasalamuha ko na mag-self quarantine sa loob ng 14 na araw at para na din po sa kaligtasan ng bawat isa makipag-ugnayan sa MHO kung makakaramdam ng alin man sa mga Sintomas ng COVID 19," dagdag ni Alilio.

Humingi ito ng pang-unawa sa mga hindi matutuloy na appointment maging ang pagdalaw. 

Sa huling tala ng Municipal Health Office ng Lemery nitong Martes, nasa 54 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan, umabot sa 856 ang nag-positibo, 27 ang namatay habang 775 ang recoveries.

Patuloy naman ang vaccination program na isinasagawa sa bayan. —Ulat ni Andrew Bernardo

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.