PatrolPH

DOH nanawagan para sa dagdag na blood donors

Ina Reformina, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2021 05:25 PM | Updated as of Jun 16 2021 07:34 PM

Watch more on iWantTFC

Kinailangan ni "Jen" na maghanda ng 2 bag ng dugo bago isilang sa pamamagitan ng caesarean delivery ang pangalawang anak noong Marso.

"'Yong hospital din mismo wala silang ano, dugo talaga doon so kailangan maghanap ako," ani "Jen."

Ayon sa National Voluntary Blood Services Program ng Department of Health (DOH), apektado ng COVID-19 pandemic ang kanilang supply ng dugo. 

Noong 2020, bumaba anila nang 1,041,037 bags o 22 porsiyento ang supply ng dugo ng National Voluntary Blood Services Program kompara sa mga nagdaang taon.

"Bumaba po ang collection natin ng dugo mula po noong mayroon tayong mga lockdowns at mayroon po tayong mga restriction," sabi ni Marites Estrella, program manager ng DOH National Voluntary Blood Services Program.

Dahil dito, nanawagan ang ahensiya para sa dagdag na blood donors.

Hindi na anila kailangan ng RT-PCR test para mag-donate.

Para maging donor, narito ang mga sumusunod na rekisito:

  • Dapat may timbang na 110 pounds o 50 kilo
  • 18-65 years old
  • Hindi buntis
  • Walang tattoo o body piercing
  • Hindi nakainom ng nakalalasing na inumin
  • Walang iniindang medikal na kondisyon gaya ng cancer, sakit sa puso o baga, at HIV-AIDS
  • Normal ang blood pressure at pulso

Ayon kay Estralla, dapat manatiling sapat ang supply ng dugo, lalo't may ilang pasyenteng may COVID-19 na kailangan din masalinan ng dugo.

"Mayroon tayong mga pasyente na nagka-COVID na mayroong nagda-dialysis araw-araw, mayroon tayong mga bumaba ang hemoglobin at kailangan nilang salinan, mayroon po tayong mga pasyente din na nagka-COVID na bumababa po iyong mga platelet concentrate nila," sabi ni Estrella.

Bumuo rin ang DOH ng "Blood Services Network" kasama ang Philippine Red Cross at mga local government unit.

Sa pamamagitan ng pinaigting na koordinasyon, napupunan ang kakulangan sa supply ng mga blood bank at ospital.

Ayon naman kay Philippine Red Cross Chairman Sen. Richard Gordon, sapat ang supply ng kanilang blood banks sa gitna ng pandemya.

May programa rin ang Red Cross na naghahanap ng blood donors sa mga barangay.

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.