PatrolPH

Bakunang ipapadala sa mga lugar na mataas ang COVID-19 cases, dadagdagan: Galvez

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2021 07:21 PM

Watch more on iWantTFC

Humingi ng dispensa si vaccine czar Carlito Galvez, Jr. sa mga local government unit na kaunti lang ang natanggap na bakuna sa gitna ng pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa ibang rehiyon.

Tiniyak ni Galvez na dadagdagan umano ang bakunang ipadadala sa mga lugar na tumataas ang kaso ng COVID-19, kabilang ang ilang lugar sa Mindanao.

"Mayroon tayong formula. Gagawin natin, idi-disburse ang vaccines. Tingi-tingi," ani Galvez.

"Dahil limitado lang ang vaccines, kailangan i-concentrate sa epicenters. Humihingi ako ng pasensya sa mga LGU," aniya.

Kamakailan, idinaing ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang kakulangan ng bakuna sa ilang lugar na may mataas na COVID-19 cases, kasama ang lungsod na pinagsisilbihan niya.

Sa higit 12.7 milyong COVID-19 vaccine doses na dumating sa Pilipinas, nasa halos 2 milyon o higit 15 porsiyento ang napunta sa Mindanao hanggang noong Martes, ayon sa National Task Force Against COVID-19.

Higit 6 na milyong COVID-19 vaccine doses pa ang inaasahang ide-deliver sa Pilipinas ngayong Hunyo, kabilang ang 1.5 milyong doses ng Sinovac na posibleng dumating umaga ng Huwebes.

Samantala, sa Maynila, umarangkada na rin ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mahihirap o A5 priority group.

Nasa 7,700 doses ng Pfizer ang hinati sa 8 vaccination sites para sa unang araw ng pagbabakuna sa naturang sektor.

Hindi bababa sa 58 milyon ng populasyon ang target mabakunahan ng gobyerno bago matapos ang 2021. 

Sa huling tala, umabot na sa 1.8 milyon ang nakatanggap ng 2 dose ng bakuna habang higit 5 milyon naman ang naturukan ng first dose.

-- Ulat ni Vivienne GUlla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.