PatrolPH

900 pamilya sa Maynila dinalhan ng bigas, mga de-lata

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2021 09:29 PM | Updated as of Jun 17 2021 07:56 PM

Watch more on iWantTFC

Noon, araw-araw sakay ng bisikleta ni Zaldy Giray, residente ng Barangay 736 sa Malate, Maynila, ang mga estudyanteng inihahatid niya sa eskuwelahan.

Pero ngayong panahon ng pandmeya, natigil ang hanapbuhay ni Giray kasabay ng pagtigil ng face-to-face classes sa mga paaralan.

Sinisikap ngayon ni Giray, na hiwalay sa asawa at tinutustusan ang 2 anak, na makahanap ng pagkakakitaan kahit pa-extra-extra lang.

"Naghahanap ako ng nagpapa-service, isa na ang bentilador, sa electrical," kuwento ni Giray.

Hindi na rin pinagtatrabaho ng kaniyang anak si Normita Adriyano, kapitbahay ni Giray.

Pero maging ang trabaho ng anak ni Adriyano sa Dubai, United Arab Emirates ay apektado ng pandmeya.

"'Kala kasi ng iba, kapag abroad ka, may pera ka... Wala rin, inuutang lang rin niya," sabi ni Adriyano.

Kay Adriyano naiwan ang kaniyang mga apo. At para matustusan ang mga ito, napilitan siyang maghanap ng pagkakakitaan sa gitna ng mahigpit na pagpapatupad ng quarantine restrictions.

"Nagsa-sideline ako mananahi, repair. Kung ano ang dumating," aniya.

Sinisikap ipaunawa ng mga tauhan ng Barangay 736 ang kanilang paghihigpit, na anila'y paraan para maiwasang dumami ang mga kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

"Ang barangay po, hindi kami ang kalaban, dito kundi ang virus," sabi ng barangay chairperson na si Mary Ann Buenviaje.

Bilang pag-alalay, nagdala ang ABS-CBN ng mga bigas at de-lata para sa 900 pamilya sa Barangay 736.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.