PatrolPH

2 patay sa banggaan ng van at motorsiklo sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2021 08:43 PM

2 patay sa banggaan ng van at motorsiklo sa Ilocos Norte 1
Kuha ng Burgos PNP

Patay ang driver at angkas ng isang motorsiklo matapos itong bumangga sa isang van sa bayan ng Burgos, Ilocos Norte, Martes ng gabi. 

Ayon sa hepe ng Burgos Police Station na si Police Lt. Carlo Rabago, pauwi na ang dalawa nang sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa kasalubong na van sa Brgy. Bayog. 

"Napansin ng driver ng van na matulin at alanganin ang motorsiklo, kaya sinubukan po ng driver ng van na umiwas at itinabi na niya ang van sa shoulder ng daan, pero bumangga pa rin ang motorsiklo," ani Rabago.

Sumalpok at pumailalim sa van ang motorsiklo kasama ang driver. 

Ayon kay Rabago, sa lakas ng impact, nagliyab ang motorsiklo.
Nasunog ang driver nito na halos hindi raw makilala sa tindi ng pagkakasunog nito. 

Nadamay at nasunog din ang van. Nakaligtas naman ang driver nito at tatlo nitong sakay matapos silang makalabas agad mula sa sasakyan. 

Itinakbo sa ospital ang angkas, na nasunog ang mga paa, pero nasawi rin siya habang ginagamot sa ospital. Matinding sugat ang tinamo din niya sa ulo at iba't-ibang bahagi ng katawan.

Ang dalawang nasawi ay magkaibigan umano at parehong residente ng Brgy. Abaca sa bayan ng Bangui. 

--Ulat ni Grace Alba

KAUGNAY NA BALITA

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.