Task group binuo para tutukan ang ambush sa Teresa mayor

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 01:19 PM | Updated as of Jun 16 2020 07:31 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Bumuo na ang Rizal police ng task group para tutukan ang kaso ng pananambang sa alkalde ng bayan ng Teresa.

Nakaligtas si Teresa Mayor Raul Palino matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang sinasakyan niyang van sa may Barangay Poblacion noong hapon ng Lunes. Nasugatan naman ang kaniyang driver at security detail.

Ayon kay Rizal police director Col. Renato Alba, patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.

"Posibleng may kaaway siya," ani Alba.

Hindi pa umano nakakausap ng mga pulis si Palino at kaniyang mga kasama tungkol sa pangyayari.

Dahil posibleng balikan ang alkalde, nagdagdag ng police visibility malapit sa tahanan ni Palino at kaniyang mga kasama.

Mariing kinondena ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal ang insidente.

Magbibigay umano ang provincial government ng cash reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek. -- May ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.