Suspek patay, P13.6-M halaga ng 'shabu' nakuha sa Cotabato drug bust

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 01:38 PM | Updated as of Jun 16 2020 02:18 PM

Patay ang isang suspect matapos umanong manlaban sa mga umaarestong pulis sa buy-bust operation sa Cotabato City noong hapon ng Lunes, kung saan nakumpiska ang aabot sa P13.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu.

Target ng operasyong ikinasa ng Cotabato City police at Philippine Marines sa Barangay Poblacion IX si Tohami Kamsa, na kabilang umano sa drugs watch-list ng Philippine National Police Drug Enforcement Group.

Sinubukang hulihin ng mga awtoridad si Kamsa nang bentahan umano nito ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer pero nanlaban umano ito kaya namatay.

"Siyempre walang magawa 'yong mga awtoridad... kundi i-depensa ang kanilang mga sarili," ani Police Col. Richard Fiesta, hepe ng Cotabato City police.

Si Kamsa umano ay nagtutulak ng ilegal na droga sa lungsod at mga karatig-lugar.

Nakumpiska sa operasyon ang 2 malaking pekete ng hinihinalang shabu na may bigat na 2 kilo at nagkakahalaga ng P13.6 milyon, ayon sa pulisya.

Nakuha rin sa suspek ang kalibre .45 na baril at motorsiklo.

"Malaking impact ito sa mga involved sa illegal drugs na ito," ani Fiesta.

Dating sumuko si Kamsa, ayon sa barangay chairperson na si Jonas Mohammad.

"Isa siyang drug surrenderee ng aming barangay pero sa kasamaang palad ay 'di na nakipag-cooperate," ani Mohammad.

Sa tala ng Cotabato City police, nasa 67 na ang anti-illegal drug operation ang kanilang naisagawa mula Enero, kung saan 81 ang naaresto at 5 ang napatay.

May 60 naman ang sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. -- Ulat ni Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.