PISTON muling nagmakaawa sa gobyerno para makapasada na ang mga jeep

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 05:56 PM

MAYNILA — Kasabay ng pagpapalawig ng general community quarantine (GCQ), muling nanawagan ang grupong PISTON na payagan nang makabiyahe na ang mga jeep sa lansangan. 

Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, sa 3 buwan na hindi sila nakapasada ay lubhang naapektuhan na ang kanilang kabuhayan at mga pamilya.

Ito aniya ang dahilan kaya marami sa kanila ang napipilitan nang mamalimos sa kalsada at mangalakal ng basura.

Giit pa ni Floranda na posibleng lumabas ulit sa kalsada ang mga miyembro ng PISTON at magsagawa ulit ng kilos-protesta para manawagan ng tulong sa mga motorista.

Nangangamba rin aniya ang kanilang grupo na baka hindi na sila makabalik pa sa pamamasada dahil sa jeepney phaseout.

Tiniyak naman ni Floranda na susunod naman sila sa mga protocol para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero kapag pinayagan silang makapasada.

Sa Facebook page ng PISTON, naglunsad ang grupo ng donation drive at tumatanggap din sila ng anumang tulong na maaaring maibigay sa mga tsuper tulad ng pagkain, face mask, alcohol at iba pang pangunahing pangangailangan.

Noon lamang nakaraang linggo, 6 na jeepney driver ang ikinulong matapos silang mahuli sa protesta dahil sa kawalan ng ayuda. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.