Philippine Blood Center tiniyak na ligtas ang pasilidad para sa blood donors

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 07:53 PM | Updated as of Jun 16 2020 08:59 PM

Watch more in iWantTFC

Tiniyak ng pinuno ng Philippine Blood Center (PBC) na ligtas ang kanilang mga pasilidad para sa mga nais nag-donate ng dugo.

"Kailangan ng dugo ng aming mga pasteynte, kayo ang puwedeng makasalba sa aming pasyente," ani Pedrito Tagayuna, pinuno ng PBC.

Simula noong magkaroon ng lockdown, na ipinatupad para mapabagal ang COVID-19, unti-unting dumalang ang mga pumupunta sa PBC para mag-donate ng dugo.

"Dati ang koleksiyon namin nasa mga close to 4,000 sa isang buwan... Noong March, naging 1,400, noong April naging 440," ani Tagayuna.

Pansamantala ring itinigil ng PBC ang mga donation driver nito.

Isa sa mga nangangailangan ng dugo ang 15 taong gulang na si Kenneth Gerard Reyes.

Sampung buwang gulang pa lang si Reyes nang matuklasan niyang mayroon siyang sakit na thalassemia.

Ipinaliwanag ng doktor na si Thaddeus Gaurian na ang thalassemia ay sakit sa dugo kung saan hindi nakagagawa ang katawan ng hemoglobin, na tumutulong para maipakalat ang oxygen sa katawan.

Ang pagsalin ng dugo kay Reyes ang nagdudugtong sa kaniyang buhay. 

"Minsan po kapag mababa na po ang dugo ko hindi na po ako masyadong nakakakain, minsan nahihilo at hindi na ako nakakagalaw nang maayos," ani Reyes.

Pangarap ni Reyes na maging nurse kaya matapang niyang nilalabanan ang sakit.

"Nahihirapan po ako kapag nakikita ko po si mama na nahihirapan po sa paghahanap ng blood donors," aniya.

May thalassemia din ang anak ni Marissa Balvuena, na aminadong hirap makahanap ng donor ng dugo.

"Ang hirap kung sino ang lalapitan para madugtungan 'yong buhay ng anak ko," ani Balvuena.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.