Pagtagas ng septic tank sa binubuong gusali ng Chinese company sa Parañaque inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 04:25 PM | Updated as of Jun 16 2020 04:41 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Inireklamo ng ilang residente sa Tambo, Parañaque ang pagtagas ng isang septic tank sa katabing gusali na ipinatayo umano ng isang Chinese company. 

Nakita pang walang building permit at certificate of occupancy ang 4 na palapag na gusaling isang taon nang itinatayo ng isang Chinese contractor sa loteng pag-aari ng Roligon Compound. 

Hawak din ng Roligon ang katabing gasolinahan at sabungan. 

Ayon kay Ruben Dela Cruz, maintenance officer ng compound, tumatagas papunta sa kanilang compound ang laman ng septic tank ng 4 palapag na gusali. 

Tatlong buwan na nila itong inirereklamo dahil tumatagas ito noong una sa driveway ng kanilang establisimyento. 

Nang ayusin ito ng contractor, lumipat naman ang tagas sa gilid ng water tank ng compound nitong nakaraang 2 linggo. 

Nitong weekend lalong lumakas ang amoy nito. Kaya naman, idinulog na nila ito sa barangay at sa lokal na pamahalaan. 

Ayon sa taga-Roligon, maayos kausap noong una ang contractor pero nahirapan nang makipagharap sa kanila nitong mga nakaraang linggo. 

May mga isyu pa sa konstruksyon gaya ng hindi ligtas na paglagay ng mga gamit tulad ng external aircon na posibleng makahulog sa katabing parking. 

Lumalabas sa pagsusuri ng barangay na natengga na roon ang ilang construction worker magmula noong ECQ. Malapit umano ang gusali sa isang Phiippine offshore gaming operator. 

Naglabas naman ang Office of the Building Official ng LGU ng final notice of violation sa nagpapatayo ng gusali. 

Iniutos na rin ng contractor na itigil ang lahat ng aktibidad sa lugar at ayusin ang permit

Ayon sa interpretor ng building owners na si Johnny Co, inaayos na nila ang permit na naantala umano. 

Sisimulan na rin anila nila ang paghuhukay pero naghihintay sila ng magsisipsip ng pozo negro. 

Nangako naman ang kinatawan ng may-ari na aayusin nila ang gusot, kasunod ng insidente. 

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.