Nasa 2,000 pamilyang apektado ng gulo sa Maguindanao, hindi pa rin makauwi

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 07:38 PM | Updated as of Jun 16 2020 08:07 PM

TALITAY, Maguindanao - Halos wala pa ring tao sa ilang mga barangay sa bayang ito magmula nang magkasagupa ang dalawang armadong grupo sa lugar bago pa ang buwan ng Hunyo.

Bahagya nang humupa ang tensyon sa lugar pero hindi pa rin bumabalik sa kanilang mga bahay ang mga residente dahil sa takot na muling sumiklab ang gulo.

Nananawagan ng tulong ang mga residente sa lugar dahil marami umano sa mga bahay ang nasira dahil sa bakbakan.

Tinangay rin umano ang kanilang mga gamit at maging ang mga alagang hayop.

Una nang sinabi ng militar na ang Ameril group at Sabal clan ang nagkasagupa sa bayan. Ilan din umano sa mga ito ay na ang ilan ay miyembro ng Moro Islamic Liberation Front.

Ayon sa alkalde ng Talitay, politika ang nakikita nilang ugat ng insidente.

“Wala akong alam na puno't dulo nito kundi politika. Kasi pagkatapos na patayin ang kuya ko pinatay naman ang administrator niya at SB secretary puro officials ang pinapatay. Sana 'wag nila daanin sa init ng ulo, dapat pag-isipan. Walang nasisira dito kundi tayo-tayo rin," ani Talitay Mayor Montasir Sabal.

Samantala, may naka-deploy na buffer force ng MILF sa lugar para maiwasan ang muling pagsiklab ng gulo sa bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.