Nakawan ng bike mas naging talamak umano sa ilang lugar ngayong new normal

Doland Castro, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 08:09 PM | Updated as of Jun 17 2020 08:31 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sunod-sunod na insidente ng nakawan ng bisikleta ang nakuhanan ng CCTV sa Quezon City, Parañaque City at Cavite ngayong itinuturing na itong alternatibong transportasyon sa ilalim ng new normal sa gitna ng pandemyang COVID-19. 

Sa kuha ng CCTV sa Guevarra Zone 1, Dasmariñas, Cavite noong Hunyo 12, kitang nakaparada ang bisekleta ng biktima. Makikita ang lalaking magnanakaw na biglang pumasok sa gate at pasimpleng tinangay na ang isang bisikleta. 

Sa Barangay Bahay Toro, Quezon City naman, pasado alas-5 ng madaling araw noong Biyernes ay kitang naglalakad ang isang lalaki na nagmamasid sa paligid at sinamantala ang malakas na buhos ng ulan. 

Hanggang sa pasukin na nito ang unang bahay na naispatan pero mabilis din umalis patakas lalo't naalarma dahil may alagang aso ang pamilya. 

Pero sa pag-alis ng suspek, tinarget naman niya ang bisikleta ng lady guard na si Rose Marie Rodriguez na kagagaling lang sa duty.

"Pumasok lang po ako ng bahay pagbalik ko after 10 minutes, wala na ang bike, may-araw na, maliwanag na," ani Rodriguez.

Nai-report na sa barangay ang insidente kaya tuloy ang pagtugis ng mga pulis sa magnanakaw. 

Mas pinaiigting na rin nila ngayon ang pagpapagtrulya lalo't marami na ring nakakalabas sa kanilang mga bahay ngayong GCQ. 

"May mga naaresto na po tayo na ganyan na modus... Dadagdagan natin ang ating seguridad," ani Police Lt. Col Benjamin Gabriel ng Quezon City Police District Station 3. 

Sa Tambo, Parañaque City naman, kita rin sa CCTV na tangkang pagkuha sa bike na nakaparada sa loob ng shop ng mga biktima na katabi lamang ng kanilang bahay. 

Pero suwerte na nakita ng may-ari at nasita agad ang suspek. Nagpanggap pa raw ang suspek na kunwaring may hinahanap. 

Dinala naman sa barangay hall ang suspek pero di na kinasuhan. 

Ilan sa mga tip na dapat tandaan ngayon ay ang paggamit ng mga bike lock o bike alarm na kapag hinawakan o tangkang nakawin ay biglang tutunog.

"Sa mga kapadyak dapat wag makampante ilagay pa rin sa loob ng bahay ang mga bike saka ikandado or lagyan ng alarm," ani Domingo Pranada ng Glorious Bike Shop. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.