Metro Manila mananatili sa GCQ; Cebu City ibabalik sa ECQ hanggang Hunyo 30

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 02:16 PM | Updated as of Jun 16 2020 07:15 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Mananatili sa general community quarantine ang Metro Manila, habang isasailalim muli sa enhanced community quarantine ang Cebu City hanggang Hunyo 30, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes. 

Sa kaniyang public address, ipinaliwanag ni Duterte na dumami ang kaso ng COVID-19 sa Cebu City at tumaas ang doubling rate ng mga kaso doon. 

Batay ang desisyon sa rekomendasyon ng Inter-agency Task Force. 

"Sa 15 [barangays] na matataas na cases, cases po sa buong bansa, 11 po 'yung sa Cebu City. Masyadong mataas po at ito po 'yung listahan na… Iyon nga po, ‘yung Cebu, Mambaling, mahigit na 680 po sa isang barangay. And then sa Luz mayroon pong active case pa rin na 216. So talaga pong ano tumataas po ‘yung sitwasyon doon at saka po sa Talisay, tumaas na rin po, mayroon pong mga additional cases,” ani COVID-19 task force chief implementer Carlito Galvez.

Isinailalim naman sa mas maluwag na modified enhanced community quarantine ang Talisay City, na gaya ng Cebu City ay nasa Region 7. 

Unang inilagay ang Metro Manila at Cebu City sa GCQ mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 15 para mabuksan ang ekonomiya matapos ang lockdown. 

Samantala, nasa GCQ din ang mga sumusunod na lugar:

  •  Cagayan
  •  Isabela
  •  Nueva Vizcaya
  •  Quirino
  •  Santiago City
  •  Aurora
  •  Bataan
  •  Bulacan
  •  Tarlac
  •  Olongapo 
  •  Calabarzon 
  •  Occidental Mindoro
  •  Bohol
  •  Cebu
  •  Negros Oriental
  •  Siquijor
  •  Mandaue City
  •  Lapu-Lapu City
  •  Davao City
  •  Zamboanga City

Maituturing na mas maluwag ang GCQ kung saan pinapayagan ang pagbabalik-operasyon ng karamihan ng mga industriya sa limitadong kapasidad. 

Mananatili naman sa modified GCQ ang nalalabing bahagi ng bansa hanggang Hunyo 30. 

Ipinaalala ni Duterte na bagama’t nagluwag ang lockdown sa ibang lugar ay nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 rito. 

"Hindi ko kayo mapigilan na lumabas. Hindi ko kayo mahuli lahat. Ang problema pati mga bata... You allow children to go out when the place is not yet ready for them outside, at [kapag]nagkasakit, 'wag ninyo kaming sisihin. Do not forget that we warned you about the grave consequences," ani Duterte. 

Umaasa rin ang Department of the Interior and Local Government na mas magiging agresibo ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga barangay lockdown para mapigilan ang lalo pang pagkalat ng sakit. 

"Kasi kahit na napapaliit natin ‘yung mga namamatay, pero marami pa ring positive cases, mga bagong cases sa National Capital Region. Kaya ito ang pagkakataon hanggang June 30 na ma-implement mabuti ang general community quarantine," ani Eduardo Año, DILG chief. — May ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.