Kasapi ng BIFF patay sa operasyon sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 09:17 PM | Updated as of Jun 16 2020 10:31 PM

Patay ang isang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa inilunsad na operasyon ng militar sa Barangay Lumupog, bayan ng Midsayap, Cotabato.

Naglunsad ng operasyon ang 34th Infantry Battalion noong Biyernes, Hunyo 12, kontra BIFF kung saan namataan si Commander Ob-10 ng Bungos faction sa isang ilog sa boundary ng Datu Piang at Lumupog, Midsayap.

Sangkot umano sa mga pambobomba sa Central Mindanao si Commander Ob-10.

Dito na nagkaengkuwentro ang dalawang panig hanggang sa tamaan ng bala ang mga armado na sakay ng isang bangka. Sa clearing operations, narekober sa bangka ang bangkay ng isang kasapi ng BIFF, bukod sa mga matataas na kalibre ng armas. 

Inaalam din kung nasawi sa operasyon si Commander Ob-10.

Ilang oras pagkatapos ng operasyon, nahuli naman sa checkpoint sa boundary ng Olandang, Midsayap at Datu Piang, Maguindanao ang isang sugatang lalaki na sakay ng isang ambulansiya.

Napag-alaman na residente ito ng Barangay Dado, Datu Piang na kasama sa mga nakasagupa ng militar dahil may tama ito ng bala sa dibdib.

Pero dahil sa kondisyon ng lalaki, dinala kaagad ito sa ospital para mabigyan ng agarang lunas.

Ayon sa BIFF Bungos faction, wala silang impormasyon kaugnay sa operasyon ng militar laban kay Commander Ob-10.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.