Ilang probinsya nakaranas ng pagtaas ng COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 06:59 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Ikinatuwa ng ilang taga-Metro Manila ang anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuloy ang general community quarantine (GCQ) sa capital region.

Para sa Grab driver na si Ronald Galacio, mainam na raw ito kaysa ibalik ang rehiyon sa enhanced community quarantine, na tiyak na lalong magpapadapa sa ekonomiya at kabuhayan ng mga tao.

Aminado si Galacio na mahirap pa rin sa trabaho kahit lumuwag na sa ilalim ng GCQ.

"Mahina ang booking ng Grab ngayon. Kung hindi ito matatapos, gutom ang aabutin natin," ani Galacio.

Pero kahit 3 buwan na mula nang ipatupad ang community quarantine sa bansa, mapapansing hindi lahat ng numero bumababa.

Sa pagkumpara ng ABS-CBN Investigative and Research Group sa mga numerong galing sa Department of Health (DOH), may ilang mga lugar sa bansa na muling nakatala ng mataas na bilang ng COVID-19 sa loob lang ng isang linggo.

Halimbawa, ang lalawigan ng Leyte na may 9 na active cases lang noong Hunyo 7, sumipa sa 71 noong isang araw.

Ang Pangasinan na 16 lang noon, umabot sa 44 active cases sa loob lang ng isang linggo.

Ang Lanao del Sur at Northern Samar na walang active cases noong Hunyo 7, nakatala ng 7 at 6 matapos ang isang linggo.

Ang Leyte at Northern Samar ay kabilang sa 10 pilot area ng Balik Probinsya Program. Kasama rin dito ang Pangasinan, Negros Occidental, Southern Leyte at Masbate na nakatala ng dagdag na positibo sa COVID-19.

Pero ang pinakamalaking talon sa bilang ng kaso ang lalawigan ng Cebu, na 24 porsiyento ang itinaas ng kaso sa loob lang ng isang linggo.

Mula 2,887 noong Hunyo 7 at 3,591 noong Hunyo 14.

Ibinalik ni Duterte ang lalawigan sa enhanced community quarantine (ECQ) habang ang Talisay City naman ay isinailalim sa modified ECQ.

Sa kabila nito, 19 pa rin naman na probinsiya ang nakaramdam ng pagbaba ng active cases tulad ng Rizal, Laguna, Davao del Sur, Bataan, Nueva Ecija, Tarlac at Albay.

Para kay Tony Leachon, medical adviser ng national task force sa laban ng COVID-19, marami pang kailangan i-improve sa datos ng DOH.

"The DOH might be delayed and might be granular as we have lobbied for a long time that it should be corrected, enhanced, and improved," ani Leachon.

"We need to consolidate all of the inputs coming from the epidemiologists and experts and data analytics and DOH data. Sometimes when you look at the data from DOH, you might notice that there might not be enough explanation in numbers," dagdag niya.

Dagdag ni Leachon ay tila kailangang pagnilayan maigi ni Health Secretary Francisco Duque ang kaniyang trabaho bilang kalihim ng kagawaran.

"I would say, I would also reflect that he should also work at the pleasure of the people," ani Leachon.

"He needs to step up, he needs to hear the voices of the people and perhaps reflect on some other plans or measure," dagdag niya.

Wala pang sagot si Duque sa pahayag ni Leachon.

Una nang sinabi ni Duque na hangga't patuloy na nagtitiwala sa kaniya ang pangulo, patuloy siyang magsisilbi sa DOH.

Ayon naman kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mas mahalaga para sa DOH ay ang patuloy na pakikipagtulungan ng publiko para maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Ngayong Martes, umabot na sa 26,781 ang kumpirmadong kaso sa bansa, ayon sa DOH. Sa numerong iyon, 6,552 ang gumaling habang 1,103 ang nasawi sa sakit.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.