Ilang parke sa Metro Manila pautay-utay nang nagbubukas

Ina Reformina, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 06:42 PM | Updated as of Jun 16 2020 09:07 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Matapos ang halos tatlong buwang tigil-operasyon, muli nang nagbukas sa publiko ang Quezon Memorial Circle o kilala bilang "Circle" kasabay ng pagpapairal ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila noong Hunyo 1.

Puwede na dito ang joggers, mga mamimili ng halaman, at mga nais mag-stroll o maglakad, at mag-exercise pero sa mga limitadong lugar.

Ito ang unang pagkakataon magmula noong mag-lockdown na nakabalik sa si Jun Mencias.

Dati nang mahilig sa halaman ang pamilya niya, pero lalo pa silang tumutok sa garden noong quarantine. Narito silang muli para mamili ng paboritong tanim na gulay at herbs.

"It’s so liberating, pero siyempre may caution pa rin... It’s just nice to step outside for a change," ani Mencias.

Hunyo 1 nagbukas muli ang Circle pero limitado lang muna sa joggers at iba pang gustong mag-exercise. Sarado pa ang bike lanes, rides, at iba pang pasilidad. 

"Para po sa mga gustong mag-jogging, mag-exercise, so from 5 in the morning until 10 in the morning puwede pong mag-jogging, sa Commonwealth entrance po ang pasukan... Mahalaga na ang pupunta ay nakasuot po ng face mask, kailangan din po na mag-observe sila ng safe distancing," ani Alberto Kimpo, assistant city administrator ng QC. 

Sarado pa din ang bahagi ng Circle kung saan pansamantala munang pinapasilong ang street dwellers.

Sarado din maging ang museum area na dati’y ginamit para sa mass testing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.