High honors graduate na may cleft palate, may payo sa pagtatapos ng pag-aaral

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 08:02 PM

 

Isang aral ang nais ibahagi ni Rizal Arkizal sa kaniyang pagtatapos sa senior high school.

" 'Wag matakot ituloy ang pangarap bagamat may mga tao talagang nais tayo ibaba," ani Arkizal, 20, na may cleft palate.

"Manatili lang tayong matatag para magpatuloy sa pangarap. Hayaan maging parte ng pangarap natin 'yung mga nanghuhusga at gawin silang inspirasyon."

Ibinahagi ni Arkizal, taga-Apalit, Pampanga, sa isang panayam sa ABS-CBN ang mga naging karanasan sa pag-aaral.

Naging mahirap para kay Arkizal ang apat na taon sa junior high school. Aniya, ito ang mga taon na naranasan niyang panghinaan ng loob at sumuko. 

"Dama ko 'yung lungkot habang isa-isa silang umaakyat at sinasabitan ng medal habang ang sa'kin naman ay sampaguita habang nakaupo pinipigil ang luha. Kita ko sa mata ng tatay ko kung gaano s'ya kadismaya at inggit sa iba," ani Arkizal, ng La Consolacion University Philippines.

"Until pumasok na ako sa huling taon ko sa high school, nandito pa rin 'yung frustration pero unti-unti ko itong nilabanan. 

"Sunod-sunod ang mga projects namin na nagpapasaya s'akin. Dumating din sa punto na may outing ang pamilya ko ako lang ang wala dahil kailangan unahin ang pag-aaral."

Sa kabila nito, bumangon naman siya sa senior high school at nagkamit pa ng high honors at Eagle Scout Award.

"Doon ko hinubog ang talento ko sa pagguhit sa tulong ng teacher ko, sumali sa mga contest na kadalasan talo. Dito nagsimula ang makulay at hindi malilimutang buhay ko sa scouting," ani Arkizal.

"Dahil sa totoo lang, kaunti lang ang nakakakita sa mga tagumpay ko na ang akala ng magulang ko pagkabigo. 

"Dahan-dahan ang usad, unti-unti ang tagumpay sa mga pagkakamali natuto at lubos ang pasasalamat sa mga taong sumuporta mula una hanggang sa may nakamit na ako."

Ayon kay Arkizal, naging malaking tulong sa kaniya ang mga kasama niya sa buhay para magpatuloy sa kanyang pangarap.

"For me, mahirap para sa iba 'yung naging journey dahil kung sila nga ang meron nito malamang baka po hindi sila magpatuloy," pahayag ni Arkizal.

"Mas nakatulong sa'kin na at young age mas naging mabilis 'yung pagiging open-minded ko na 'yung mga taong nambu-bully ay hindi ko nalang pansinin," dagdag pa niya.

Sa ngayon, nais magpatuloy ni Arkizal sa pag-aaral sa kolehiyo at mag-aral ng kursong architecture.

"Nandon na rin na mas fear ko din 'yung walang narating kaya nilakasan ko 'yung loob ko at nagagawan naman ng way kaya kinakaya ko naman. Pangarap ko lang din maka-graduate as elementary pero eto may chance na ako mag-college," aniya.

"Balak ko po kumuha ng architecture . . . 'Yun nga lang po medyo kinakabahan sa possible outcome dahil para sa'min mga freshman ito 'yung foundation namin sa magiging buhay namin sa college kaya kabado po sa result ng online class."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.