PatrolPH

Enrollment puwede na sa pamamagitan ng drop boxes sa mga barangay, paaralan

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 05:12 PM | Updated as of Jun 17 2020 08:39 PM

Enrollment puwede na sa pamamagitan ng drop boxes sa mga barangay, paaralan 1
Nagsasagawa ng "drop box enrollment" sa Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, Maynila ngayong Martes. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA -- Noong Hunyo 1, sinimulan na ng Department of Education ang enrollment para sa darating na pasukan pero sa pamamagitan lang ng remote enrollment.

Subalit may mga magulang, tulad ni Aniceta Podiano, na wala namang access sa internet kaya hindi rin daw niya ma-enroll ang kaniyang anak.

Simula ngayong Martes, ang mga magulang tulad ni Podiano ay maaari nang pumunta sa eskuwelahan o barangay hall para kumuha ng learner enrollment and survey form.

Sasagutan nila ito at pagkatapos ay ihuhulog sa drop box na nasa mga paaralan at barangay hall.

Bagaman madaling gawin, aminado si Podiano na nakakapanibago ang naturang sistema ng pag-enroll.

"Ngayon lang kasi ginawa ito," ani Podiano.

"Tapos hindi namin alam kung papaano mag-aaral ang mga anak ngayong wala naman kaming internet," dagdag niya.

Watch more News on iWantTFC

Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, ngayong taon lang nangyari na ang lahat ng estudyante ay kailangang mag-enroll.

Kailangan din kasi ng DepEd ang sagot sa mga survey form para malaman kung may kakahayahan ang mag-aaral sa distance learning.

Sa pagsisimula ng mga klase sa Agosto 24, ipagbabawal pang pumasok sa mga paaralan ang mga estudyante hangga't walang bakuna laban sa COVID-19.

Maaaring matuto ang mga bata sa pamamagitan ng online platform, printed o digital modules, telebisyon, at radyo.

Umabot na sa 10.9 milyon ang nag-enroll sa mga pampublikong paaralan para sa darating na school year, malayo sa higit 22 milyon noong nakaraang taon.

Kaya hinikayat ng DepEd ang mga magulang na pag-aralin pa rin ang kanilang mga anak.

Umaasa rin ang DepEd na magiging katuwang ang mga magulang ng mga guro sa pagtuturo gamit ang bagong sistema ng distance learning. -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.