De Lima humirit na makapagpiyansa matapos ang 3 taong pagkakakulong

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 06:03 PM

MAYNILA — Matapos ang 3 taong pagkakadetine, noong Lunes ay naghain si Sen. Leila de Lima ng aplikasyon para makapagpiyansa sa kaniyang mga drug charges, na aniyang pangha-harass lang ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

"Instead of proving her guilt, the prosecution itself provided strong evidence of accused De Lima's innocence and the regularity of the performance of her duties as then Secretary of Justice," ani De Lima sa kaniyang mosyon sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205.

Maaalalang idinawit si De Lima ng iba't ibang drug lords sa umano'y kalakalan ng droga sa Bilibid noong siya ay kalihim pa ng Department of Justice. 

Sabi ni De Lima, pawang "hearsay" o haka-haka lamang ang mga ebidensiya laban sa kaniya. 

"Certainly, the granting of bail to accused De Lima will result in upholding her constitutional presumption of innocence, recognizing her right to due process, and guarantee her appearance in court for the remainder of the trial, and allow her to serve her mandate as a duly-elected senator of the country," anila.

Paliwanag ng kampo ng senador, hindi sila humirit ng piyansa noon dahil kinukuwestiyon nila ang hurisdiksyon ng Muntinlupa court sa kaso.

"At that time, if you filed a petition of bail, that is an expressed admission of the jurisdiction of the court which we do not want to give at that time," sabi ni Boni Tacardon, abogado ni De Lima.

Naniniwala sila na dapat ay isinampa ang kaso sa Ombudsman.

Gayunman, sakaling payagan ng Muntinlupa court na makapagpiyansa, hindi pa rin makakalaya si De Lima dahil mayroon pa siyang mga kasong extortion at isang may kinalaman sa droga. 

Nanindigan ang senador na inosente siya sa mga paratang. —Mula sa ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.