Camarines Norte students nagsalitan ng face mask sa graduation program

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 01:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ngayong panahon ng pandemya, mahalaga ang pagsusuot palagi ng face mask para makaiwas sa coronavirus disease (COVID-19).

Pero sa Daet, Camarines Norte, ilang estudyante ang nagsalitan sa paggamit ng face mask sa isang programa para sa kanilang pagtatapos.

Noong umaga ng Biyernes, nagbahay-bahay sa kanilang estudyante ang ilang guro ng Dogongan Elementary School sa Daet para mamahagi ng diploma sa mga nagsipagtapos.

Dahil nasa ilalim pa ng community quarantine, pinag-face mask ang mga bata.

Ayon sa isa sa mga estudyanteng tumanggap ng diploma, matapos silang makuhanan ng retrato, pinatanggal ng guro ang face mask at muli siyang kinuhanan nang walang suot na mask.

Tinawag umano ng guro ang isa pang estudyanteng naka-toga at ipinasuot naman ang face mask na una nang ginamit ng kamag-aral.

Nakuhanan ng video ni Teddy Aguirre ang nangyari.

Ayon kay Aguirre, hindi niya napansin agad na nagsalitan lang ng face mask ang mga estudyante.

Nagulat na lang siya nang mabasa ang mga negatibong komento nang i-upload niya ang video sa Facebook.

Iginiit ni Aguirre na hindi niya hinangad na siraan ang guro at mga estudyante.

"Ang gusto ko lang maging souvenir," ani Aguirre.

Tumanggi namang humarap sa kamera ang guro pero ikinuwento nitong nakiusap lang umano ang mga magulang na makuhanan ng retrato ang mga anak ng mga ito.

Isinabay rin umano sa pamamahagi ng diploma ang pagbibigay ng report card at certificate of good character.

""Yong paggamit ng face mask at ginamit ng anak ko, hindi problema 'yon," ani Jonalyn Recto, ina ng isa sa mga estudyante.

"Kami po ang nag-suggest... magkaroon man lang sila ng remembrance," sabi naman ng isa pang inang si Teresa dela Cruz.

Ayon sa infectious disease specialist na si Joey Rañola, delikado para sa kalusugan ng tao ang pag-share ng face mask.

"The act na pinagpalit-palit nila, it's actually unhygienic," ani Rañola.

"Kaya nga naglalagay tayo ng mask para kung halimbawa mayroon kang virus galing sa laway mo, hindi mo mai-share sa iba," paliwanag niya.

Hinihintay ngayon ng regional office ng Department of Education ang pormal na ulat tungkol sa insidente para makapagsagawa sila ng karampatang aksyon.

-- Ulat ni Mae Pulvinar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.