Bus drivers kinompronta ang kompanyang 'nagpabaya' sa kanila noong lockdown

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 02:29 PM

MAYNILA — Nagkatensiyon ang paghaharap ng kinatawan ng RRCG Southern Bus Carrier at mga nagrereklamo nilang drivers at kundoktor na umano'y pinabayaan nila sa kasagsagan ng lockdown sa Luzon. 

"Hindi tama 'yun sir itinatago niyo ang sakin may budget pala kami diyan," ani Ronnie Binasahan, bus driver. 
 
Isa si Binasahan sa mahigit 14 na driver at konduktor na inabot ng lockdown sa garahe ng RRCG Southern Carrier sa Batangas City.

"May pagkain daw dito, pero hindi naman pagkain lang ang ibibigay sir, eh, 'yung pera wala, paano naman ang pamilya namin sa probinsya," ani Binasahan.

Reklamo nila, tila nagpabaya sa kanila ang kompanya buhat ng tanggihan ang pagmaneho sa mga bus bilang shuttle service ng frontliners.
     
Hindi rin umano updated ang kontribusyon nila sa Social Security System at PhilHealth.

"Kahit isang benepisyo walang nakakamit na sa kompanyang aming pinagtatrabahuhan, kaming driver at konduktor kami ang nagsisikap para umasensyo ang isang kompanya," hinaing ni Arnold Prado, konduktor .

Pero buwelta ng RRCG, umabot nang P77,000 halaga ng pagkain sa loob ng 2 buwang quarantine ang nagastos ng kompanya sa kanila.
     
Kasama rin umano sila sa 40 empleyado na nabigyan ng P2,000 ayuda ng kompanya noong umpisa ng lockdown.

"May 16 up to now request sa management pakain, pero walang maipadala kasi nawalan ng kita tapos 'yung may-ari sumakabilang buhay kaya kailangan po talaga ay unawa," paliwanag ni Ryan Candidado ng RRCG. 
 
Na-update na umano ng kompanya ang SSS at PhilHealth contributions ng mga empleyado.
 
May 20 empleyado na umano ito ang nakatanggap ng small business wage subsidy galing sa Department of Labor and Employment at hinihintay pa ang sa iba.
 
"Na-forward ko po lahat 'yan, kasi hiningi sa akin ng HR 'yan dahil dun sa programa ng SBWS nagpaskil pa nga po ako ng papel dyan eh para alam nila ang mga alituntunin," ani Candidado. 
 
Ayon sa mga nagrereklamong empleyado, sa tagal umano na hindi sila naaasikaso ng kompanya ay napaso na ang travel pass nila patungong ibang rehiyon.

Wala umanong balak na magsampa ng kaso laban sa bus company ang mga nagrereklamong empleyado.
 
Nais lang umano nila ngayon na makuha ang benepisyo nila at gawan ng paraan ng kompanya na makauwi na sila kanilang pamilya.
     
Sa isang text message, kinumpirma ng DOLE-Batangas na nagpaliwanag na sa kanila ang pamunuan ng bus company at kakausapin ulit nila ito para malaman ang buong sitwasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.