Anti-terror bill suportado umano ng halos 800 lokal na opisyal: Palasyo

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 06:09 PM

MAYNILA — Ibinida ng Malacañang nitong Martes na maraming lokal na pamahalaan ang sumusuporta sa kontrobersiyal na anti-terror bill.

Ito ay kahit pa ilang araw nang maingay ang pagtutol ng maraming Pilipino dito habang hinihintay kung aaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang natanggap na enrolled bill. 

Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, iniulat aniya ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na nasa 784 na local chief executives ang nagpahayag ng suporta sa kontrobersyal na bill. 

Ang 673 umano dito ay municipal mayors, 68 ang city mayors, at 43 ang governors. 

Sa ngayon, wala pa aniyang tugon si Duterte sa naturang enrolled bill gayong hindi pa ito nakakarating sa kaniyang lamesa. 

"Sinabi ni Pangulo na pagdating sa anti-terror bill, hinihintay lang niya si Sen. [Panfilo] Lacson ang huling commas at periods niya. Ibig sabihin po bagama't nasa Malacañang na po ang anti-terror bill, siguro pinag-aaralan pa ng Office of the Executive Secretary ang isinumiteng panukalang batas dahil wala pa po sa lamesa ng President," ani Roque. 

Layunin ng anti-terror bill na lagyan ng ngipin ang kasalukuyang batas pagdating sa pagpapanagot sa mga sangkot sa pagpaplano at pagsasagawa ng terrorism activities. 

Inalmahan ito ng maraming sektor dahil sa pangambang magagamit ito sa pang-aabuso sa mga karapatang pantao, partikular na sa mga kritiko ng pamahalaan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.