ALAMIN: Requirements sa pagpaparehistro ng online business sa BIR

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 01:49 PM

MAYNILA - May karampatang proseso sa pagpaparehistro ng online sellers sa Bureau of Internal Revenue, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI). 

Kasabay ito ng abiso ng BIR na dapat magparehistro sa kanila ang mga online seller, batay sa isang memorandum na isinapubliko noong Hunyo 10. 

Ayon kay Trade secretary Ramon Lopez, kailangang kumuha ng Mayor’s permit at DTI permit bago iparehistro ang online business sa BIR. 

Kung korporasyon ang kompanya, dapat rehistrado ito sa Securities and Exchange Commission (SEC.) 

Kung mayroon nang DTI at SEC permit, maaari nang dumiretso agad sa BIR. 

Giit ni Lopez, suportado nila ang pagpaparehistro ng mga online seller dahil para rin ito sa kapakanan nila para mas lumago ang kanilang negosyo. 

"Ang nangyayari ngayon tine-trace 'yung seller lalo na kapag dinulog na or kinomplain na sa DTI. 'Yung transaction nila, let's say either mali 'yung specs, fake, hindi effective, etc," ani Lopez sa panayam sa Teleradyo. 

Makatutulong din umano ito na mabigyan sila ng tiwala ng mga konsyumer. Mapoprotektahan din umano nito ang mga konsyumer laban sa mga online scam.

"Kung may depekto po 'yun, 'yun po 'yung kino-complain. Doon naman po hinahabol 'yung seller kaya parating advice natin, maging smart consumer din. Siguraduhing bumibili sila sa mga kilalang online platform," ani Lopez. 

Inulit naman ni Lopez na exempted sa pagpaparehistro ang mga maliliit na online seller, o iyong kumikita lamang ng P250,000 kada taon. 

Noong lockdown ay sumirit ang bilang ng online selling dahil maraming Pinoy ang nakatengga sa bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.