2 purok sa Lower Bicutan, Taguig, ibabalik sa ECQ simula Hunyo 17

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 10:13 PM | Updated as of Jun 16 2020 10:52 PM

MAYNILA - Ibabalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang dalawang lugar sa Barangay Lower Bicutan sa Taguig City simula Miyerkoles, Hunyo 17.

Sa abiso ng lokal na pamahalaan ng Taguig, mula alas-6 ng gabi bukas, hanggang July 1 ang ipatutupad na ECQ sa Purok 5 at Purok 6 ng Lower Bicutan.

Batay sa abiso ng City Epidemiology Disease and Surveillance Unit ng lokal na pamahalaan, napansin nila ang pagkakaroon ng clustering of cases ng COVID-19 sa dalawang purok.

Batay sa depinisyon ng clustering, nagkakaroon ng 3 o higit pang kaso sa iisang lugar sa loob nang dalawang linggo.

Sa record ng Taguig City Health Office, mayroong 6 na nakumpirmang kaso sa Purok 5 habang 4 confirmed cases naman sa Purok 6 mula May 28 hanggang June 11.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.