2 patay, 4 sugatan nang tamaan ng kidlat sa Ilocos

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 02:32 PM | Updated as of Jun 16 2020 02:33 PM

2 ang patay habang 4 ang nasugatan sa magkahiwalay na insidente ng pagtama ng kidlat sa Ilocos region noong Lunes.

Isa sa mga nasawi si Fernando Tabin, 70, mula Naglaoa-an sa bayan ng Santo Domingo, Ilocos Sur.

Kasama ni Tabin ang kaniyang live-in partner at apo nang tamaan ng kidlat ang kanilang kubo sa gitna ng malakas na ulan bandang alas-4 ng hapon.

Binawian ng buhay si Tabin habang patuloy namang nagpapagaling ang kinakasama niya. Hindi naman natamaan ang bata.

Sa Solsona, Ilocos Norte, patay din ang 17 anyos na lalaki nang tamaan ng kidlat sa may bukid sa Barangay Darasdas bandang alas-2:30 ng hapon.

Natamaan din ang 3 kasama niya pero namula lang daw ang ilang bahagi ng kanilang katawan at ngayo'y nagpapagaling na.

-- Ulat ni Ria Galiste, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.