10 pm to 5 am: Curfew hours sa Maynila inigsian nang 2 oras

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 09:40 PM | Updated as of Jun 16 2020 10:29 PM

MAYNILA - Inigsian na ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang curfew hours sa siyudad ngayong ikatlong linggo ng general community quarantine sa Metro Manila.

Sa kaniyang regular updates sa Facebook, sinabi ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na nilagdaan na niya ang City Ordinance No. 8847 na nag-aamyenda sa naunang City Ordinance No. 8616 na unang nagpapatupad ng curfew hours sa lungsod sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sa nilagdaang ordinansa, magiging alas-10 na ng gabi ang simula ng curfew sa Maynila na matatapos nang alas-5 ng umaga.

Mas maikli ito nang dalawang oras sa dating curfew hours na mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.

Mangangahulugan din aniya na papayagan na rin ang operasyon ng mga restaurant, mga tindahan, at ilang nasa service sector na mag-operate hanggang alas-10 ng gabi simula ngayong Martes.

Tanging mga frontliners at ibang may pahintulot mula sa Inter-Agency Task Force ang papayagan sa mga lansangan ng siyudad pagpatak ng curfew hour.

Ang pagpapaigsi sa ipinatutupad na curfew hours sa Maynila ay para mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga negosyante para sa kanilang operasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.