Tricycle at motorsiklo, binangga ng kotse; 6 sugatan

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 05:06 PM

LAOAG CITY - Anim ang sugatan matapos banggain ng isang kotse ang tricycle at motorsiklo sa lungsod na ito Sabado ng madaling araw.

Pawang nawasak ang tatlong mga sasakyan dahil sa insidente.

Base sa imbestigasyon, galing ang drayber ng kotse na si Melford Manguba sa isang bar. Sinita ito ng mga bouncer dahil nabasag nito ang salamin sa banyo ng bar.

Nagmamadaling tumakas si Manguba at dito na niya nabangga ang tricycle at motorsiklo.

Ayon kay Police Capt. Artemio Clemente, nangyari ang insidente dahil sa kalasingan ni Manguba.

Tinakbuhan pa nito ang mga biktima at kinaumagahan na sumuko sa mga pulis.

Anim ang sugatan sa insidente. Tatlo naman sa kanila ang nakalabas na rin ng ospital.

Kapwa nagpapagaling pa ang drayber ng tricycle at motorsiklo.

Inoperahan naman ang nabaling paa ng angkas sa motorsiklo.

Humingi ng tawad si Manguba sa kaniyang ginawa at nangakong babayaran ang lahat ng naperwisyo niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.