Mga misis ng 2 drug suspect huli rin sa droga sa Taytay

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 02:20 PM | Updated as of Jun 16 2019 07:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naaresto sa Taytay, Rizal ang 2 babae na may mga asawang dati nang nahuli dahil din sa droga, ayon sa pulisya.

Dinampot ng Taytay police sa magkahiwalay na operasyon kontra ilegal na droga noong Biyernes sina Stephany Enalisan, 26, at Maureen Patente, 30.

Pinalitan ni Enalisan ang kaniyang mister bilang tulak ng kanilang komunidad matapos itong makulong noong Setyembre, ayon kay Police Lt. Col. Christopher dela Peña, hepe ng Taytay police.

“Bumibisita pa nga dati 'yan sa asawa niya. Napag-alaman namin, siya pala nagtuloy sa pagbebenta ng drugs,” sabi ni Dela Peña.

Ikinatuwiran ni Enalisan na pumasok siya sa pagbebenta ng droga para mabigay ang mga pangangailangan ng kaniyang 6 na anak.

Namatay raw kamakailan ang kaniyang 2 taong gulang na anak dahil sa pulmonya habang kasalukuyang nasa ospital ang kaniyang bunsong 9 buwang gulang dahil din umano sa pulmonya.

“Sobrang hirap na hirap po. Ang hirap pong mag-isa, walang karamay sa pagbuhay sa pamilya mo,” ani Enalisan.

Hinuli naman si Patente dahil sa umano ay pagbebenta ng shabu sa isang poseur-buyer.

Naaresto rin sa buy-bust operation ang mister ni Patente noong Pebrero.

Mula Biyernes hanggang umaga ng Linggo, umabot na sa 12 ang nahuli sa magkakahiwalay na anti-drug operations sa Taytay.

Kasalukuyang nakadetene ang mga suspek sa Taytay Municipal Police Station at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.