Karanasan sa trabaho maaari nang ma-credit sa pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 06:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — High school lang ang natapos ni John Carlo Teodoro kaya hirap siyang makahanap ng trabaho dahil kadalasan umanong humihihingi ang mga employer ng diploma at certificate.

Gusto man ni Teodoro, 21, na makapag-aral ulit, hindi raw niya kayang isabay ito sa kasalukuyang trabaho bilang construction worker.

"At least dito sa trabaho, nagkakasahod kami. 'Di na namin makakayang tustusan lahat," ani Teodoro.

Sa ilalim ng Philippine Qualifications Framework (PQF) Act, maaari nang kilalanin ang experience o karanasan ng isang manggagawa para magkaroon siya ng tinatawag na national certification.

Makikita sa national certification ang naabot na standards o mga pamantayan ng isang manggagawa base sa kaniyang edukasyon kasama ang naipong kakayahan mula sa karanasan sa trabaho.

"Sa ngayon kapag nag-a-abroad ka, talagang hinahanapan nila ang isang aplikante ng national certification issued by a competent authority," ani Dominique Tutay, direktor ng Bureau of Local Employment sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Para makakuha ng certification, sasailalim muna sa mga pagsusulit ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ayon sa deputy director general ng ahensiya na si Rosanna Urdaneta.

Pinag-aaralan na rin ng mga ahensiyang magpapatupad ng PQF ang sistema ng credit transfer, kung saan maaaring ma-credit sa pag-aaral ang karanasan ng isang manggagawa sa trabaho.

"Halimbawa, puwedeng tumalon ka doon sa 3rd year na engineering course using the credit transfer from the tech-voc and also from your work experience," ipinaliwanag ni Tutay.

Gamit ang PQF, isa rin sa pag-aaralan at isusulong ng DOLE ang pamantayan ng sahod na nakabase sa antas na naabot ng isang manggagawa sa kaniyang national certification.

Binabalangkas pa rin ng komite ng PQF ang magiging pamantayan sa pagpapatupad ng credit transfer.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.