Bahay sa CamSur nilooban; suspek timbog nang makilala sa CCTV

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 05:14 PM | Updated as of Jun 16 2019 06:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sapul sa CCTV ang panloloob ng isang akyat-bahay sa isang tahanan sa bayan ng Bato, Camarines Sur noong madaling araw ng Sabado.

Sa video, makikitang unang dinampot ng suspek ang naka-charge na cellphone. Sunod naman nitong pinuntirya at hinalungkat ang isang aparador.

Pero nataranta siya nang mahulog ang binuksan niyang drawer kaya dali-dali siyang lumabas sa bintana kung saan din siya pumasok.
 
Kuwento ni Loella Argarin, umaga na nang mapansin nila ang panloloob sa kanilang bahay.
 
"Napansin namin wala na 'yung cellphone... Pag-check namin sa CCTV may pumasok nga" anang ginang.

Dahil sa kuha ng CCTV, agad nakilala at nahuli ang suspek na isang pedicab driver at ka-barangay lang ng mga biktima.
 
Ayon sa pulisya, nakulong na ang suspek noon dahil sa kasong theft noong 2015.

Nabawi naman sa suspek ang 2 ninakaw na relo habang ang cellphone ay nakuha naman sa kaniyang pinagbentahan.
    
Dagdag ng pulisya, ang suspek din ang itinuturo sa ilang nakawan sa bayan nitong buwan.

Desidido naman ang pamilya Argarin na sampahan ng kaso ang suspek.
    
—Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.