Walang tubig sa ilang bahagi ng QC matapos pumutok ang ilang tubo

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2018 06:06 PM

MANILA—Sunod-sunod na bumulwak ang tubig sa ilang bahagi ng Quezon City, Sabado, matapos umanong bumigay ang mga tubo ng Maynilad.

Pumutok ang ilang tubo ng tubig sa Mangga Street at sa Ricardo Street sa Barangay Katipunan kaya't nagkaniya-kaniyang igib ang mga residente upang hindi masayang ang tumatapon na tubig.

Ito na ang ika-5 tubong pumutok sa lugar kamakailan at posibleng nasira ang mga tubo dahil sa kalumaan nito, sabi ni Luistro Urmineta, deputy administrator ng barangay.

Nag-abiso naman ang Maynilad na mawawalan ng tubig sa Mangga at Ricardo streets ngayong Sabado dahil pansamantalang papatayin ang supply ng tubig sa lugar habang kinukumpuni ang mga nasirang tubo.

Inaasahang babalik ang supply ng tubig bandang alas-8 ng gabi, ngunit maaari itong maantala depende sa bilis ng paggawa sa mga tubo, paliwanag ng Maynilad sa isang pahayag.

Nagpadala naman ang Maynilad ng isang water tanker sa lugar upang pansamantalang magbigay ng tubig para sa mga apektadong residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.