Lalaking nagnakaw umano ng motorsiklo, napatay sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2018 07:11 AM

MAYNILA - Patay ang isang hinihinalang holdaper sa engkuwentro ng mga pulis sa Antipolo, Rizal.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek.

Ayon kay Supt. Villaflor Bannawagan, hepe ng Antipolo police, may nagsumbong sa kanila na lalaki na hinoldap ng isang riding-in-tandem.

Tinutukan umano ng baril ang biktima at inagaw ang kaniyang motorsiklo.

Agad nagpa-alerto ang pulisya sa lahat ng checkpoint at nakita ang mga suspek sakay ng 2 motorsiklo.

Nagkahabulan at nagkapalitan ng putok ng baril ang mga suspek at pulis sa madilim na bahagi ng Blue Mountain St. malapit sa Sumulong Highway.

Tinamaan ang isang suspek na dahilan sa kaniyang pagkamatay. 

Patuloy naman ang manhunt operation sa nakatakas na suspek. - ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.