Inosente? Kaanak, kaibigan ng pangunahing suspek sa Fr. Nilo slay, umalma

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2018 08:47 PM | Updated as of Jun 16 2018 10:37 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Inalmahan ng pamilya at malalapit na kaibigan ang pagkakaaresto sa sinasabing pangunahing suspek sa pagpatay sa isang pari sa Zaragoza, Nueva Ecija.

Nadakip ng mga awtoridad nitong Biyernes si Adell Roll Milan na itinuturong bumaril kay Fr. Richmond Nilo bago ito magdaos ng misa sa isang kapilya noong Linggo.

Aminado ang mga nakakakilala sa 26 anyos na suspek na dati umano itong gumagamit ng ilegal na droga ngunit wala anila itong kinasasangkutan na ibang kaso.

Sa katunayan ay aktibo pa anila si Milan sa mga programa ng barangay.

"Hindi siya ang bata na mahilig sa gulo...sa personality ng bata, hindi niya kayang gawin 'yon," ani Elenita Aguilar, sekretarya ng Barangay Malapit, San Isidro kung saan naaresto ang suspek.

Saad ng tiyahin ng suspek, imposible na kasama ang pamangkin sa pumaslang sa pari dahil nag-iinuman aniya ito at mga kaibigan sa isang tindahan sa barangay nang mangyari ang insidente.

Labis aniya na ikinagulat ng iba pa nilang kamag-anak nang arestuhin si Milan habang nakatambay sa labas ng kanilang bahay.

"Iyong sinasabi nilang pumatay sa pari na 'yon...noong time na 'yon na napatay, wala ang bata doon kasi nandito nga nakikipag-inuman sa barkada sa tindahan doon...nagsimulang mag-inuman ng 5PM," ani alyas "Rosa," tiyahin ng suspek.

Umalma rin ang ina ng suspek na ikinumpara ang computerized sketch ng pulisya sa retrato ng anak.

"Malayong-malayo siya...lahat ng tao nagsasabing hindi siya 'yon. Paanong pininpoint nila ang anak ko sa isang tao na hindi niya kamukha," ani Mylene Milan, ina ng suspek.

"Siya ay nadadawit sa isang kasalanan na hindi niya ginawa...kawawa ang bata, masisira ang buhay niya na walang kaano-ano," dagdag niya.

Sagot naman ng pulisya, mga testigo mismo ang positibong kumilala sa suspek.

"Based sa primary witness natin, pinakuwento kasi natin siya via one-way mirror...sinamahan siya ng mga taga-simbahan, mga tatlo ang kasama niya...he was given the free will," ayon sa direktor ng Central Luzon Police na si Chief Superintendent Amador Corpuz.

Day of Atonement

Samantala, itinalaga ng isang grupo ng mga misyonaryong pari ang Hunyo 18 bilang Day of Atonement bilang pagkondena sa sunod-sunod anilang pamamaslang sa mga pari sa nakalipas na anim na buwan.

"We, religious-missionary priests and brothers...express our outrage at the brutal killings of priests, most recently that of Rev. Fr. Richmond Nilo of the Diocese of Cabanatuan," saad ng Society of the Divine Word (SVD) sa isang pahayag.

"We are one with ecclesial groups in the Christian and faith communities to call for a stop to killings. We live for each other," dagdag ng SVD.

Pangatlo si Fr. Nilo sa mga paring pinaslang mula noong Disyembre 2017.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.