Estudyante kinalmot ng guro sa Bohol

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2018 06:35 PM

VALENCIA, Bohol—Nagtamo ng sugat sa mukha ang isang 10 taong gulang na estudyante sa bayang ito matapos kalmutin ng guro.

Ayon sa batang lalaki, naglalagay siya ng mga pekeng tattoo sa braso at naglalaro ng ballpen nang pagalitan ng gurong si Lisa Daleon noong Huwebes.

Matapos ito, naglaro siya ng gunting upang maglagay ng pekeng mga sugat sa braso. Nagalit umano ang guro at hinawakan ang mukha ng bata at nakalmot ang estudyante.

Depensa naman ng guro, nagulat siya nang malaman na sinasaktan ng bata ang sarili at hindi umano sinasadya na makalmot ang bata.

Sinabihan pa umano siya ng bata ng, "Paglaslas diha og imo, mam!(Cut yourself too, ma’am!)” 

Personal na humingi ng paumanhin ang guro sa mga magulang ng bata at nagsulat din ng salaysay na hindi na ito uulitin.

Hinihintay pa ang kautusan ng Department of Education ukol sa insidente.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.