SAPUL SA CCTV: Traffic violator na tumakas, sinuntok ng traffic enforcer

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2017 08:11 PM

Sinuntok ng isang traffic enforcer ang isang tricycle driver matapos silang takasan nang bigyan ito ng ticket sa Puerto Princesa nitong Huwebes.

PUERTO PRINCESA CITY – Sapul sa CCTV (closed-circuit television) video ang panununtok ng isang traffic enforcer ng Puerto Princesa City Traffic Management Office (CTMO) sa isang tricycle driver dito, Huwebes ng umaga.

Hinabol ng mga traffic enforcer ang isang tricycle matapos itong tumakas nang bigyan nila ito ng ticket.

Makikita sa CCTV na bumaba ang mga traffic enforcer sa kanilang motor, dumiretso sa tricycle driver at tinulak ito.

Maya maya’y naghubad ng uniporme ang isang traffic enforcer at sinuntok ang drayber ng traysikel. Inawat ng isa pang traffic enforcer ang away.

Base sa imbestigasyon ng CTMO, colorum ang traysikel at walang lisensya ang driver. 

Agad namang nagharap sa opisina ng CTMO ang mga sangkot sa gulo, kung saan ipinaliwanag ang naging paglabag ng tricycle driver.

Sa report naman ng enforcer sa CTMO, inamin nito na sinampal at tinadyakan niya ang tricycle driver.

Nagkasundo naman ang dalawang panig at pumirmang hindi na magsasamapa ng pormal na reklamo laban sa isa’t isa.

Ayon sa CTMO, paaalahanan nila ang kanilang mga tauhan na huwag pairalin ang init ng ulo.

Pinaalalahanan naman ang mga traffic violators na huwag paabutin na magkainitan pa kapag nahuli.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.