Operasyon ng MRT, pabalik na sa normal

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2017 06:05 PM | Updated as of Jun 16 2017 11:32 PM

Pabalik na sa normal ang operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) isang araw matapos baguhin ang operasyon ng tren upang makapagsagawa ng safety checks, ayon sa Department of Transportation (DoTr). 

Gayunpaman, hinihintay pa rin ang paliwanag kung bakit nagkaroon ng sira ang isang tren na naging mitsa ng pagbabago ng operasyon.

Matapos dumanas ng mahaba at matagal na pagpila ang libo-libong pasahero ng MRT kahapon dahil sa pinabagal na takbo at pagbawas sa mga tren, halos wala na ang matinding pila at tuloy-tuloy na ang pagbuhos ng mga pasahero papasok ng istasyon ng MRT.

Halos hindi na pansinin ang mga special bus ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na sumaklolo kahapon sa mga nabagot sa pila.

Ayon sa DoTr, bumabalik na sa normal ang operasyon ng MRT lalo't tatapusin ngayong Biyernes ang pag-iinspeksiyon sa mga tren.

"Nadikitan ng ultrasonic testing device, at napatunayan na walang broken rack sa axle nito. Ongoing ang meeting ngayon ng Busan, MRT engineer, at independent consultant," ani DoTr Undersecretary for Rails Cesar Chavez. 

Dagdag pa ng tanggapan, hindi pa tapos ang kanilang pagsingil sa service provider para sa nangyari dahil kailangan pa nitong ipasa ang teknikal na ulat na magdedetalye kung ano ang tunay na lagay ng mga tren na nagsasakay ng maraming Pinoy araw-araw.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.