Ama, kinarga ang anak, 17, habang tumatakas sa putukan

Jeff Canoy, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2017 07:02 PM | Updated as of Jun 17 2017 01:21 AM

(UPDATE) Isang ama ang sumuong sa putukan para balikan ang anak na bumagsak sa pagtakas mula sa war zone ng Marawi. Kabilang sila sa grupo ng mga guro at staff ng Dansalan College na naipit sa loob ng bakbakan sa loob ng 12 araw. Kinarga ng lalaki ang 17 anyos niyang anak na maysakit para lang makalabas mula sa war zone. 

Noong unang umatake ang grupong Maute, isa ang Dansalan College sa mga unang napuruhan.

Kinailangang iligtas ang mga guro na naroon lamang sana para sa isang training, ngunit naipit sa gitna ng bakbakan. 

Sinunog din ng mga Maute ang paaralan, kaya kinailangang maghanap ng ibang matataguan ang mga gurong nagtatago sa gusali. 

Kasama sa mga ito sina Loloy, ang kanyang misis na guro sa Dansalan, at ang kanilang 17 anyos na maysakit na anak. 

Nagtago sila sa basement ng bahay na kanyang pinagtatrabahuhan. Kasama nila ang may 30 guro at staff ng eskuwelahan, pitong bata, at isang dalawang buwang gulang na sanggol. 

Binarikadahan nila ang lahat ng lagusan ng bahay para hindi mapasok ng mga Maute. 

"May pintuan. Nilagyan ko ng cabinet. Nilagyan ko ng bigas. Instruction ko sa kanila, 'Pag may magsabing, 'Assalamualaikum', huwag kayong magsalita,' kasi lahat Christians. Binasag nila... Pumasok sa amin. Ang ginawa ng kasamahan ko, tumakbo sila lahat sa underground. Nagbaba ako sa may underground," kuwento ni Loloy. 

Sinasabihan sila ng mga terorista na lumabas na at hindi masasaktan, pero hindi sila lumabas. 

Maging ang mga bata na hindi mapigilang matakot at maiyak ay kinailangang takpan ang bibig para hindi marinig ng teroristang grupo. 

Dumiskarte na rin ang mga guro para mapatahan ang sanggol.

"'Yung bata, iiyak. 'Yung nanay, nagpadede ng bata, wala nang gatas... 'Yung isang kasamahan namin na teacher, may chocolate. Nilagay lang sa kamay atsaka pinadede 'yung kamay para lang (tumahimik)," ani Loloy.

Kanin lang ang kinakain noon ng grupo, minsan isang beses sa isang araw. Walang tubig kaya kinailangang maghintay ng ulan. 

Sa tuwing makikita ng asawa ni Loloy na si Gracia ang nanghihina nilang anak, napanghihinaan din siya ng loob, at patuloy na kumakapit na lamang sa dasal at pananampalataya.

"Kung tingnan ko 'yung anak ko, parang nag-deteriorate siya lalo. Kasi humiga lang kami sa semento, walang banig, walang kumot. Iyak na lang kami... Pagtingin ko sa anak ko, 'God maawa ka sa amin.' Kung tuluy-tuloy kaming na'ndito, what will happen to my son? And then sabihin ko nga, kung hindi kami makalabas dito, ang unang mawala is 'yung anak ko, 'yan ang hindi ko kaya," kuwento ni Gracia.

May contact ang isang guro sa militar sa labas, pero di sila maabot sa dami ng kalabang sniper. 

Dahil paubos na ang suplay ng tubig at di matiis ang takot sa war zone, nagpasya ang grupo na tumakbo na lang palabas. 

Pinaputukan sila ng mga kalaban sa halos dalawang kilometrong kailangang takbuhin. 

"Wala na'ng pakialam. Wala na akong tingin sa side by side. May mga sniper... Lumakad kami lahat... Medyo malayo na, tumingin ako sa likod. Wala na'ng asawa ko at anak ko kasi bumigay na'ng anak ko. Tumakbo ako. Ibinigay ko ang flag sa babae. Tumakbo ako," sabi niya. 

"Nung dumating ako sa anak ko, sinabi niya, 'Tay, hindi ko na kaya. Iwan mo na lang ako.' Naiyak ako. 'Nak, kaya kita. Kaya kita.' Binuhat ko'ng anak ko, wala akong tsinelas. Sobra 1 kilometer ang tinakbo namin,'' sabi niya. 

Habang sinasabi ng anak niya na hindi na niya kaya, at tila nagpapababa na lang, sinisiguro naman ni Loloy sa anak niya na kaya pa niya itong buhatin habang tumatakbo. 

"Dinaanan namin lahat ng mga basag-basag na window, mga glass, mga semento, mga patay, dinaanan namin," sabi niya. 

'''Yung lahat ng mga teacher, ako ang nag-protect sa kanila sa tulong ng Diyos. Pababayaan kita?" pag-alala niya. 

Pagdating sa safe zone, sinalubong sila ng mga militar. Hinang-hina na at kinailangang bigyan ng agarang atensiyong medikal ang anak ni Loloy na si Brian. 

Pinalibutan naman ng mga sundalo ang sanggol at binigyang kalinga. 

Kinantahan din ng 'happy birthday' ang isang gurong nakatakas, matapos ang 12 araw sa war zone, sa mismong araw ng kanyang kaarawan.

Nagpasalamat sina Loloy na buhay silang lahat na nakalabas, pero dahil nawalan ng mga trabaho dahil sa krisis sa Marawi, panibagong hamon ang hinaharap nilang mag-anak para lang mabuhay sa labas ng war zone. 

Gayunpaman, ang sabi ni Loloy, ito ay kakayanin. Ang mahalaga ay buo silang pamilya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.