Taal Volcano noong Mayo 21, 2021. Val Cuenca, ABS-CBN News/File
(UPDATE) Pinag-iingat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga residenteng nakatira malapit sa Bulkang Taal sa Batangas dahil sa mataas na antas ng sulfur dioxide o asupre na ibinubuga ng bulkan.
Ayon sa Phivolcs, ilang araw nang naitatala ang mataas na antas ng sulfur dioxide mula sa bulkan.
Pinakamataas umano rito ay naiulat noong Huwebes, kung saan nasa 9,991 tonelada ng sulfur dioxide kada araw ang ibinuga, na nakaapekto sa mga barangay ng Banyaga, Bilibinwang at Subic Ilaya sa Agoncillo, Batangas.
Ayon sa mga residente, nakalanghap sila ng mabahong amoy, at nakaranas din ng pananakit ng lalamunan at hirap sa paghinga.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, mananatili ang Alert Level 2 sa Taal.
"Ang importante, walang tao sa Volcano Island. Bawal po doon na pumunta, delikado po ang paglabas ng gas. At 'yong mga nakapaligid na barangay at 'yong local government, naghahanda parati," ani Solidum.
Lubhang mapanganib ang sulfur dioxide sa mga may hika, sakit sa puso at baga, mga may edad, mga sanggol, bata at mga buntis.
Ayon naman kay Oliva Mirasol, municipal agriculture officer ng Agoncillo, umabot sa halos 40 ektarya ng taniman ang naapektuhan at hindi na mapapakinabangan.
Namahagi nitong Martes ng N-95 mask ang local government unit ng Agoncillo sa mga residente.
Umapela rin si Agoncillo Mayor Daniel Reyes sa Department of Health at provincial government na mapadalhan sila ng dagdag na mask.
Nakahanda rin umano ang lokal na pamahalaan na ilikas ang mga residente sakaling tumindi ang pagbuga ng sulfur dioxide, ani Reyes.
— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, rehiyon, regions, regional news, Agoncillo, Batangas, Taal, Taal Volcano, Phivolcs, sulfur dioxide, asupre, bulkan