PatrolPH

Quezon City balak kasuhan ang namamahala ng EZConsult app

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2021 06:51 PM

Planong kasuhan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang mga namamahala sa app na ginagamit ng mga residente ng lungsod para makapagpa-book ng COVID-19 vaccination.

Bumuhos kasi ang mga reklamo ng mga taga-Quezon City na nahirapang mag-book sa eZConsult, kaya binigyan ni Mayor Joy Belmonte ang kompanya ng ultimatum na ayusin ang sistema hanggang Biyernes.

"We can file charges o damages... sa dami ng sakit sa ulo na binigay nila sa amin," ani Belmonte.

"Kaya nga natin kinuha para mabilis at maayos ang system," dagdag ng alkalde.

Paliwanag naman ng mga namamahala sa eZConsult mula Zuellig Pharma, nagkaroon sila ng problema sa website dahil nagsunod-sunod ang pasok ng mga gustong mag-book ng vaccination.

Ayon sa Zuellig, ngayong gabi ng Martes magkakaroon ng major enhancement, kung saan magpapalit sila ng sistema para kayanin ang dami ng mga gustong magparehistro. 

Humingi rin ng paumanhin ang kompanya sa mga nahirapan mag-book ng vaccination schedule at nangakong ginagawa nila ang kanilang makakaya para maayos ang isyu.

Samantala, sa San Juan at Mandaluyong, sinimulan na ring bakunahan ang A5 priority group o mga mahihirap kaya sabay-sabay ang pagbabakuna ng 2 lungsod sa mga grupong A1 hanggang A5.

Nagpaalala si San Juan Mayor Francis Zamora sa mga miyembro ng indigent population na magdala ng ID at certificate mula sa barangay, na ipepresenta sa vaccination site.

Sa Pasay, tuloy naman ang pagtuturok ng second dose ng bakuna. Kabilang sa mga nakatanggap sina Mayor Emi Calixto-Rubiano at kaniyang mister.

Pinahaba naman ang oras ng vaccination sa Maynila mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi basta may natitira pang COVID-19 vaccine doses.

Target ng gobyerno na mabakunahan ang nasa 58 milyon Pinoy bago matapos ang taon.

Sa huling tala, 1.8 milyon pa lang ang maituturing na fully vaccinated o nakatanggap ng 2 doses ng bakuna.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.