Rappler chief Maria Ressa hinatulang guilty sa cyber libel

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 12:38 PM | Updated as of Jun 15 2020 06:47 PM

MAYNILA (UPDATE) — Hinatulang guilty sa kasong cyber libel ng isang korte sa Maynila ngayong Lunes sina Rappler chief executive officer at executive editor Maria Ressa at dating researcher-writer Reynaldo Santos Jr., na inilarawan ng ilang grupo bilang isang atake sa malayang pamamahayag.

Nahaharap sina Ressa at Santos sa pagkakakulong na mula 6 na buwan hanggang isang taon, at pinagbabayad din ng kabuuang P400,000 danyos.

Ayon kay Manila Regional Trial Court Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa, may pananagutan si Santos bilang siya ang nagsulat ng artikulong inaakusahan ang property developer na si Wilfredo Keng na may kaugnayan sa mga ilegal na aktibidad gaya ng droga, human trafficking at murder.

Pinananagot naman si Ressa bilang executive editor at business manager ng Rappler kahit pa tumestigo ang isang kasamahan niyang wala siyang kinalaman sa pang-araw-araw na pamamalakad ng Rappler.

Ayon sa korte, mapanira ang naging paratang laban kay Keng at hindi ito kinumpirma sa mga awtoridad.

Nagpresenta din si Keng ng mga certificate mula sa Philippine Drug Enforcement Agency at National Bureau of Investigation para linawin ang kaniyang pangalan.

Hindi rin naglathala ang Rappler ng paglilinaw sa kabila ng paglapit sa kanila ng abogado ni Keng mula 2016 hanggang 2017.

Pinanindigan naman ng korte ang nauna nitong deklarasyong puwede pang magsampa ng cyber libel sa loob ng 12 mula nang mailathala ang isang artikulo.

Nagkaroon umano ng panibagong publication kaya puwede pang habulin ang isang kaso kahit ilang taon na ang nakalilipas.

Nagpaalala ang korte na hindi dapat gamitin ang kalayaan sa pamamahayag para makaiwas sa pananagutan.

Ayon kay Ressa, malaking dagok ang hatol sa kanilang news organization pero patuloy na lalaban ang kanilang kampo.

Dapat manatiling mapagmasid ang publiko sa lahat ng nangyayari, ani Ressa.

"I appeal to you, the journalists in room, the Filipinos who are listening, to protect your rights. We’re meant to be a cautionary tale, we are meant to make you afraid. I appeal again, don’t be afraid," ani Ressa, na pinangalanang Person of the Year noong 2018 ng TIME magazine.

Iaapela ng kampo nina Ressa at Santos ang naging hatol.

Sinabi naman ng kampo ni Keng na ang conviction nina Ressa ay dapat magsilbing aral hindi lamang para sa mga mamamahayag kundi maging sa netizens, na dapat umano ay maging patas sa mga pina-publish.

Naiwasan sana ang kaso kung nilinaw agad ng Rappler ang istorya at nilabas ang panig ni Keng, ayon sa kampo ng negosyante.

Handa naman lumaban hanggang sa huli si Keng para malinis ang kaniyang pangalan.

PRESS FREEDOM

Iginiit din ng kampo ni Keng na ang isyu ay tungkol sa accountability o pananagutan at hindi usapin ng press freedom.

Pero para sa international watchdog na Human Rights Watch (HRW), ang pagkaka-convict kina Ressa ay "devastating blow" sa press freedom.

"The verdict against Maria Ressa highlights the ability of the Philippines’ abusive leader to manipulate the laws to go after critical, well-respected media voices whatever the ultimate cost to the country," sabi ni Phil Robertson, deputy Asia director ng HRW.

Ang pasya ng korte ay pagpatay sa kalayaan ng pagpapahayag at pamamahayag, sabi naman ng grupong National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).

"This is a dark day not only for independent Philippine media but for all Filipinos," ayon sa NUJP.

"But we will not be cowed. We will continue to stand our ground against all attempts to suppress our freedoms," dagdag ng grupo.

Pero itinanggi ng Palasyo na may kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-convict kay Ressa.

Iginiit pa ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sinusportahan ni Duterte ang malayang pananalita at malayang pamamahayag.

"Naniniwala po siya sa malayang pag-iisip at pananalita at ang paninindigan niya ang taong gobyerno hindi dapat onion-skinned," ani Roque.

Hinimok naman ng mga opposition senator na sina Risa Hontiveros at Francis "Kiko" Pangilinan ang mga Pilipino na magsalita laban sa mga atake sa mga mamamahayag.

"Unless we stand up, speak out, and vigorously oppose the tyranny in our midst, their conviction will not be the last," sabi ni Pangilinan.

Bukod sa kaso ni Ressa, binanggit din ni Hontiveros sa kaniyang pahayag ang pagpapatigil sa broadcast operation ng ABS-CBN bilang isa ring halimbawa ng pagpapatahimik ng gobyerno sa mga kritiko nito.

"This year alone and while we're responding to a global pandemic, we have witnessed the shutdown of a far-reaching media institution and the weaponization of the law against a journalist doing unbiased reporting on extrajudicial killings in the country," ani Hontiveros.

"I urge everyone to speak out. Dumarami tayo. We are complicit if we are silent," dagdag ng senador.

Nahaharap din ang Rappler at si Ressa sa mga reklamong tax fraud, at paglabag sa Securities Regulation Code at Anti-Dummy Law. -- May ulat nina Mike Navallo, Johnson Manabat, Katrina Domingo, at Arianne Merez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.