Philippine Blood Center nanawagan para sa blood donations

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 03:23 PM | Updated as of Jun 16 2020 07:42 PM

Watch more in iWantTFC

Nanawagan ang Philippine Blood Center (PBC) para sa mga blood donor sa harap ng pagbaba ng supply ng dugo sa blood bank bunsod ng coronavirus pandemic.

Dahil sa banta ng COVID-19, wala na halos nagpupunta sa blood bank para mag-donate ng dugo at marami ring blood donation ang na-postpone dahil sa community quarantine.

"Natatakot lang talaga ang mga tao o ang mga tao ay may pinagkakaabalahan, siguro inuuna ang paghahanap ng makakain, mapagkakakitaan," ani Dr. Pedrito Tagayuna, pinuno ng PBC ng Department of Health (DOH).

Bago magkaroon ng pandemya, 4,000 hanggang 5,000 bag ng dugo ang nakokolekta ng PBC kada buwan. Pero ngayon, 400 bag na lang kada buwan.

Kulang na kulang umano ito dahil nasa 500 bag ng dugo ang inilalabas ng PBC kada linggo.

"Alarming siya kasi... ang isang ina ay nanganak at nagkakaroon ng pagdurugo, saan tayo kukuha ng dugo? Maaari niyang ikamatay iyon," paliwanag ni Tagayuna.

Hindi dapat matakot ang mga donor dahil ang blood bank ay hindi naman ospital kaya walang mga pasyente ng COVID-19 doon, sabi ng PBC.

Ang PBC din umano ang susundo at maghahatid pauwi sa mga donor.

May blood pass umanong ibinibigay ang PBC para sa mga donor na may sariling sasakyan para hindi masita sa checkpoint lalo kung tatawid sa border ng mga lungsod.

Ipinatutupad din ang health protocols tulad ng pag-disinfect at physical distancing.

Binuksan na rin ng Philippine Blood Center ang kanilang convalescent plasma donation center para sa mga COVID-19 survivor na nais mag-donate ng plasma sa kanilang dugo.

Nag-donate ngayong Lunes si Health Undersecretary Gerardo Bayugo, na nagpositibo sa sakit noong Marso.

"Hopefully makatutulong sa ibang tao kilala man natin o hindi," ani Bayugo.

Sa Philippine Red Cross, lubhang naapektuhan din ng pandemic ang donasyon ng dugo.

Sa ngayon, higit 9,000 bag ang nakaimbak sa Red Cross sa buong bansa.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PRC sa mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor para sa bloodletting, ani PRC Chairman Richard Gordon.

Para sa mga nais magbigay ng dugo, narito ang mga hotline:

  • Philippine Blood Center - 89953846 
  • Philippine Red Cross - 143